Upang iangat ang antas ng paghahatid ng serbisyo sa mga overseas Filipino workers (OFW), nag-utos na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na bumuo ng isang help desk na aagapay at tutulong sa mga pangangailangan ng mga manggagawang Pinoy at kanilang mga pamilya.

“Bunsod na rin ng tumataas na pangangailangan ng tulong ng mga OFW at ng kanilang mga pamilya, tayo ay bumuo na ng assistance desk na siyang hahawak ng mga isyu at hinaing ng mga OFW,” ayon kay Bello.

Batay sa Administrative Order No. 40, ang tulong na ipinaabot ng Assistance to Migrants and their Families Desk (AMD) ay patatakbuhin na sa ilalim ng Direktor ng Office of the International Labor Affairs Bureau (ILAB) ng DOLE.

Ang AMD ay pangungunahan ng isang labor attaché at sa tulong ng mga overseas plantilla personnel, partikular ang mga naglilingkod ng tatlong taong mandatory na serbisyo sa gobyerno bago sila maitalaga sa overseas port, at ang ibang mayroong dalawang taong home office assignment matapos ang kanilang tour of duty.

Responsibilidad ng AMD na tulungan ang mga OFW na personal na dumudulog sa DOLE Central Office, maging ang pagsagot sa mga tawag, text, at electronic mail, o sa Official Facebook Account ng ILAB.

Sila rin ang naatasang sumubaybay ng mga balita na may kaugnayan sa mga OFW at maiulat ito sa kalihim ng DOLE bago maendorso sa naaayong opisina at agad na maaksyunan.

Lahat ng kaso na hinahawakan ng AMD ay dapat na naka-encode sa Foreign Labor Operations Information System (FLOIS). Ito ang interactive database system na dinisenyo upang mapabilis ang pagsubaybay sa sistema ng pag-uulat ng DOLE tulad na lamang ng bilang ng mga ngkaroon at nawalan ng trabaho, labor market information, labor at welfare case at repatriation, security, safety, at proteksyon ng mga OFW.

Ang mga weekly report ay isinusumite sa kalihim ng DOLE sa pamamagitan ng cluster head, upang subaybayan ang mga ginagawang aksyon at maipabatid ang kasalukuyang sitwasyon ng mga kasong hinahawakan ng AMD.

“Ang makabagong teknolohiya na ito ang magpapalakas at magpapalawak sa paghahatid natin ng serbisyo sa mga OFW. Habang nandiyan ang mga Pilipinong manggagawa sa abroad, responsibilidad natin na proteksyunan sila. Parte ito ng ating agenda para sa tuloy tuloy na pagpapalakas ng proteksyon at seguridad ng mga OFW,” paliwanag ni Bello.

END/aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry