Upang mas mapalakas ang kampanya para sa proteksyon at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), magtatayo ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang OFW Command Center na magsisilbing central referral at action hub para sa lahat ng mga hinaing ng mga OFW upang mabilis itong maaksyunan at mabigyang pansin.

Sa inilabas na Administrative Order No.73 ni Labor Secretary Silvestre Bello III, itatayo ng kagawaran ang isang 24/7 OFW Command Center para sa lahat ng humihingi ng tulong tulad ng mga nag-wawalk in, nagpapadala ng katanungan sa email, text at sa telepono. Tutugunan rin ng center ang mga hinaing ng mga OFW na natanggap sa pamamagitan ng mga ulat balita at referrals.

Maaari ring makipag-ugnayan ang mga OFW sa center sa pamamagitan ng social media, at sa iba pang online messaging platform, at agad silang sasagutin sa kanilang mga isinasangguni tulad ng sa employment, welfare case, repatriation at iba pang kahalintulad na mga hinaing.

“Ang pagtatatag ng Command Center ay tiyak na makapagbibigay ng tulong sa lahat ng mga hinaing ng mga OFW, higit lalo sa mga insidente kung saan nangangailangan ng agarang tulong at aksyon,” ayon kay Bello.

Ang implementing guidelines para sa operasyon ng Command Center ay magkakasamang bubuuin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at International Labor Affairs Bureau (ILAB) sa loob ng 30 araw matapos na lagdaan ang administrative order.

Ang nasabing command center ay patatakbuhin sa ilalim ng direct supervision ng hepe ng International Labor Affairs Bureau at pansamantalang nasa ILAB Office, 2nd Floor, DOLE Building, Intramuros, Manila.

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
7