Ilulunsad ngayong taon ang OFW Bank at ID system na naglalayong pagaanin ang buhay ng mga overseas Filipino worker, pahayag ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

“Ngayong taon ipatutupad ang OFW identification card system sa darating na Marso samantalang ang OFW Bank naman ay ilulunsad sa Nobyembre,” ani Bello.

Parehong inaprobahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang OFW Bank at ID system upang mapabuti ang kabuhayan ng mga OFWs.

“Ang mga OFW natin ay nagsasakripisyo. Sa OFW ID at OFW Bank, matutulungan sila ng gobyerno na mas maging mabilis, maaayos, at kapakipakinabang ang kanilang mga transaksyon” ani Bello.

Ayon kay Bello, ang OFW ID system ay isa sa pangunahing bahagi ng Integrated DOLE System (iDOLE) na nag-uugnay sa databases ng DOLE sa databases ng iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Foreign Affairs (DFA), Social Security System (SSS), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Maaaring ipakita ng OFW ang kanyang card sa mga ahensiya ng pamahalaan para sa beripikasyon ng kanyang impormasyon at pagproseso ng dokumento. Maaari din niyang gamitin ang card sa kanyang transaksiyon sa OFW Bank at iba pang banko ng pamahalaan,” aniya.

Idinagdag ni Bello na sa paggamit ng OFW card mababawasan ang mga alalahanin sa autentisidad ng mga ipinapakitang dokumento dahil sa ang beripikasyon ng dokumento ay maaari nang gawin online.

“Mawawala na rin yung mga pekeng dokumento tulad ng training o school certificate. Malalaman kaagad kung totoo yung dokumento dahil maaaring i-validate online,” aniya.

Sa OFW ID card system mababawasan din ang mahabang pila at oras ng pakikipag-transaksiyon sa pamahalaan dahil maaari nang ma-access online ang serbisyo ng pamahalaan.

Maaari ding gamitin ang ID card bilang debit card at bilang ATM card para sa mga OFW banks gayundin bilang Beep card para sa LRT at MRT.

Samantala, sinabi ni Bello na ang OFW Bank ay magseserbisyo para sa remittance at iba pang pangangailangan ng OFW sa buong mundo. Sa pamamagitan ng share of stock, ang OFW ay magiging part owner at puwede rin silang mangutang dito.

Ang pagtatatag ng OFW bank ay isa sa mga pangako ng Presidente nang siya ay mangampanya. Ang pag-aari ng bank ay bukas sa 4.8 milyong OFWs sa P1,000 kada share. Ang kabuuang OFW remittance noong 2016 ay US$ 28 billion.

Sinabi ng kalihim na ang OFW Bank ay isa sa magiging pinakamalaking commercial bank sa bansa na tutustusan ng pangunahing ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong ahensiya.

Ang P3 billion capital ng OFW bank ay manggagaling sa Overseas Workers Welfare Administration, sa Employees Compensation Commission at sa mismong OFWs.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry