Matibay na ‘political will’ at sinserong pasasalamat at pagmamahal sa mga bagong bayani ang nag-udyok kay Pangulong Rodrigo Duterte upang tuparin ang kanyang pangako na itayo ang Overseas Filipino (OF) Bank, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III noong Huwebes.

Sa ginanap na pagbubukas ng OF Bank sa Maynila, sinabi ni Bello na ang pagkakatatag ng bangko ay ang patunay ng lubos na pasasalamat ng pamahalaan sa natatanging kontribusyon at sakripisyo ng mga overseas Filipino para sa pag-unlad ng ekonomiya.

“Upang maipakita ang lubos na pasasalamat ng pamahalaan sa kanila, dahan dahan ay magkakaroon rin ng mas malaking share ang mga OFW sa bangko at maging major shareholder at may-ari nito,” ayon kay Bello.

“Ngayon, inuukit natin ang kasaysayan. Inaalay din natin ang bagong yugto na ito bilang pagbibigay pugay sa natatanging sakripisyo at kontribusyon ng mga overseas Filipinos sa kung ano ang natatamasa ng ating bansa ngayon,” dagdag pa niya.

Ang mga serbisyo ng OF Bank ay naglalayong mabawasan ang hirap ng mga overseas Filipinos sa pamamagitan ng mga produkto at serbisyo na isinakatuparan para lamang sa mga bagong bayani at kanilang mga pamilya.

Ang bangko ay makapagbibigay rin ng benepisyo hindi lamang para sa mga overseas Filipinos workers ngunit pati na rin sa lahat ng mga Pilipino sa ibang bansa, kasama na rito ang mga immigrant, at mga nagkaroon ng resident visa.

Inaasahang magbibigay ang bangko ng pinakamura, pinakamabilis, secure, at convenient mobile credit-to-account-system remittance service para sa mga overseas Filipinos. Mag-aalok rin ito ng iba’t ibang deposit product tulad ng Peso ATM Savings, time deposit, at checking accounts. Isa rin sa nakatakdang ilunsad ng OF Bank ay ang Future Need Savings Plan upang mahikayat at magbigay inspirasyon sa mga overseas Filipinos na matutong magtipid ng kanilang kita.

Magkakaroon rin ng oportunidad ang mga overseas Filipinos para makakuha ng maaasahang loan at investment product para makapagpatayo ng kanilang sariling bahay, magtayo ng sariling negosyo, at maging co-owner ng bangko sa pamamagitan ng pag-iinvest sa preferred OF Bank shares.

Iaalok rin ng bangko ang mga Payment services nito para sa mga overseas Filipinos upang mas madali nilang mabayaran ang kanilang SSS, OWWA, Philhealth dues, insurance premiums, credit card at iba pang mga bill at tuition fee ng kanilang mga benepisyaryo sa Pilipinas.

Noong Setyembre, inilabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 44 na nag-aatas sa Land Bank of the Philippines na mabili ang Postal Bank upang maitayo ang OF Bank.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry