Kailangang pag-aralan muli ang batas sa pagtatatag ng mga special economic zone, kasama na ang mga patakaran at panuntunan nito, partikular sa pagsasagawa ng inspeksiyon kung tumutupad sa batas-paggawa at mga pamantayan sa ligtas at malusog na lugar-paggawa, pahayag kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Ito ang pahayag ni Bello matapos ilabas ang preliminary report sa nangyaring sunog sa isa sa mga pabrika ng House Technology Industries sa Rosario, Cavite na naging dahilan ng pagkasawi sa dalawa nilang manggagawa at pinsala sa mahigit 100 manggagawa noong Pebrero 1.

“Kailangan nating pag-aralan ang batas, patakaran at pamantayan sa pagpapatupad sa PEZA, partikular ang pagsasagawa ng inspeksiyon kung ligtas sa sunog sa loob ng economic zone at inspeksiyon sa mga locator kung tumutupad ang mga ito sa batas-paggawa, pamantayan sa ligtas at malusog na lugar-paggawa, at iba pang naayong batas at panukala,” ani Bello.

Noong Pebrero 8, ipinalabas ni Bello ang Administrative Order 32 na nagtatatag sa DOLE Investigation Team upang magsagawa ng Occupational Safety and Health Investigation para alamin kung sumusunod ang HTI sa mga pamantayan para sa ligtas at malusog na lugar-paggawa.

Ipinalabas din ni Bello ang Administrative Order na nagtatakda sa muling pag-aaral sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department at ng PEZA sa pagsasagawa ng Technical Safety Inspection.

Pinangasiwaan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang pagbibigay ng tulong para sa pamilya ni Jerom Sismaet na nasawi dulot ng matinding pinsala sa katawan nito mula sa nangyaring sunog.

Batay sa preliminary report mula kay Director Teresita Cucueco ng Bureau of Working Conditions (BWC), inisyuhan ng DOLE Regional Office IV-A ang HTI ng Certificates of Compliance with General Labor Standards and Occupational Safety and Health Standards noong Pebrero 11, 2016 matapos ang pagsasagawa ng joint assessment.

Binigyan din ng pitong Permit to Operate ng kanilang caldera, tatlong horizontal fire tubes, at tatlong water tubes ang HTI.

Sa ulat ni Cucueco, nangako ang management ng HTI na kanilang sasagutin ang lahat ng gastusin sa ospital at gamot ng mga nasaktang empleyado. Makakatanggap din ng tulong-pinansiyal ang pamilya ng nasawing empleyado sa nangyaring sunog.

Ililipat din ng HTI ang mga apektadong manggagawa sa iba pang operasyon ng kompanya. Kasalukuyan pinagta-time in at time-out lamang muna ang mga apektadong manggagawa ngunit tatanggap pa rin sila ng kanilang buong sahod. Plano ng kompanya na muling ibalik ang operasyon sa apektadong lugar sa loob ng isang buwan matapos malinis ang lugar.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry