Nakatanggap kamakailan ng benepisyo mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC) ang isang minero mula sa Benguet matapos itong mawalan ng pandinig sanhi ng ingay sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan sa loob ng 24 taon niyang pagseserbisyo sa isang kompanya sa minahan.

 

Si Baltazar Bodtan ay nagtrabaho bilang underground environmental supervisor na naatasan para sa installation, maintenance of ventilation equipment, proper waste disposal at pagtitiyak na sinusunod ang standard operation procedures sa paggamit ng mga makina sa minahan.

 

Noong September 27, 2007, si Bodtan ay sumailalim sa audiometry examination at nalaman na siya ay mayroong moderate at sensorineural hearing loss na may 49 percent hearing handicap.

 

Noong 2008, naghain si Bodtan ng EC Permanent Partial Disability (PPD) ngunit ito ay hindi tinanggap dahil sa hindi siya nakapag-sumite ng karagdagang audiometry examination na magpapakita na ang kanyang hearing impairment ay nagtuloy sa permanent disability.

 

Makalipas ang dalawang taon nang siya ay mag-retiro noong Marso 2015, muling sumailalim si Bodtan sa audiometry examination at ang resulta ay monoaural impairment na may total hearing handicap na 44 percent.  Siya din ay sumailalim sa medical examination at nalaman na siya ay may spinal arthritis at hypertension.

 

Kinikilala ng ECC ang mapanganib na kondisyon ng pagtatrabaho sa minahan at maaaring ang pagkawala ng pandinig ni Bodtan ay dulot ng matinding ingay na araw-araw niyang naririnig sa loob ng 24 taon niyang pagtatrabaho.
Dahil dito, sinabi ng ECC na nararapat lamang na mabayaran si Bodtan dahil sa Occupational Hearing Loss na kanyang dinanas sa kanyang pagtrarabaho kung saan siya ay nakaranas ng matinding ingay, tulad ng pagpapasabog at ingay mula sa drilling machines.

 

Inatasan ng ECC ang Social Security System (SSS) na bayaran si Bodtan ng EC disability benefits at reimbursement ng kanyang medical expenses para sa kanyang susunod na konsultasyon dulot ng Noise-Induced Hearing Loss.

 

Subalit, inapirma naman ng ECC ang desisyon ng SSS na huwag ipagkaloob ang kanyang EC disability benefits para sa hypertension at musculoskeletal disorders dahil sa walang report o dokumento mula sa kanyang employer na magpapatunay na siya ay nagkasakit sanhi ng kanyang trabaho.

 

END/ECC/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry