Personal na tinungo at binigyan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng oras ang mga overseas Filipino workers (OFW) upang pakinggan ang kanilang mga hinaing nang samahan niya sila sa block screening ng pelikulang “Sunday Beauty Queen” sa Baguio City.

 

“Nais bigyan ng labor department ng makabuluhang oras ang mga OFW sa bakasyon nila rito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pelikulang ito. Naghahatid kami ng positibong mensahe sa kanila na ang pamahalaan ay laging bukas upang makinig sa kanilang mga hinaing,” wika ni Bello.

 

Tinatayang nasa 350 na pamilya ng OFW at miyembro ng OFW Family circles mula sa Baguio-Benguet ang nakilahok sa nasabing movie screening na handog ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

 

Ang pelikulang “Sunday Beauty Queen” ay ang kauna-unahang dokumentaryo na napabilang sa ginanap na 2016 Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2016. Tumatalakay ito sa buhay ng mga household service worker sa Hong Kong na humahanap ng oras upang makasama ang kapwa nila OFW tuwing kanilang rest day. Nagpapakita rin ito ng sakripisyo ng mga Pilipinong manggagawa na tinitiis ang hirap at lungkot na mapalayo sa kanilang mahal sa buhay.

 

“Madarama ng mga OFW sa buong mundo ang istorya ng pelikulang ito. Nagpapakita ito ng paghihirap at sakripisyo ng mga modernong bayani na nagtitiyaga kahit pa malayo sa kanilang pamilya. Nararapat silang pasalamatan at bigyan ng parangal,” dagdag pa ni Bello.

 

Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ang pelikulang ito ay isang testamento na nagpapatunay na ang pamahalaan ay patuloy na pumoprotekta sa karapatan ng mga OFW at sinisiguro na magkaroon sila ng maayos na pinapasukan sa ibang bansa.

 

Matapos ang pelikula, nakinig naman si Bello sa iba’t ibang hinaing ng mga OFW at tiniyak na patuloy na susuporta sa kanila ang labor department.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry