Muling nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko ng isa pang pamamamaraan ng panloloko para makapang-biktima ng mga Filipinong manggagawa na nagnanais magtrabaho sa London.

 

Sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa London, sinabi ng DOLE na ang pekeng online email account, ([email protected]) na nagpapanggap bilang Embahada ng Pilipinas sa United Kingdom (UK), ay nagre-rekrut ng mga manggagawa mula sa ibang bansa para sa trabahong wala naman.

 

Nabunyag ang paraan ng panloloko matapos makarating ang ulat sa Philippine Trade and Investment Centre (PTIC) sa London tungkol sa nasabing pekeng email address na nagre-rekrut ng mga manggagawa at nagtatakda ng kinakailangang dokumento para sa UK B1 Working Visa.

 

Agad na tumugon ang PTIC sa email at ipinaliwanag na ang pekeng address ay hindi opisyal na email ng Embahada ng Pilipinas sa London at walang kaugnayan sa anumang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas.

 

Humiling ng tulong si London Labor Attaché Reydeluz Conferido sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan ng email address, at agad na magsasampa ng kaso sa sinumang nasa likod ng panloloko upang protektahan ang mga manggagawang Filipino.

 

“Umaasa kami na magagamit ang lahat ng pamamaraan ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan at mapatawan ng hustisya ang mga gumagawa ng iligal na aktibidad,” pahayag ni Conferido.

 

Pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Filipinong nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na bisitahin ang www.poea.gov.ph, o tumawag sa hotline 722-11-44 / 722-11-55 o mag-email sa [email protected] upang beripikahin ang lisensiya at permit ng recruitment agencies at kung lehitimo ang job order.

 

#Paul Ang/gmearce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry