Bubuo ng mas matibay na pagtutulungan sa larangan ng labor relations ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Russia kasunod ng pagtiyak ng nasabing bansa sa pagprotekta sa manggagawang Pilipino.

 

Sa isang pulong, nagkasundo sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Russian Ambassador Igor Anatolyevich Khovaev na bumuo ng isang “matibay na basehang legal para sa pagtutulungan” sa pagitan ng dalawang bansa na makapagbibigay benepisyo sa mga Pilipinong migrante.

 

“Kami ay nagagalak na nagkaroon kami ng panimulang diskusyon kaugyan sa mga isyu at paksa sa paggawa na magkakaroon ng parehong benepisyo sa dalawang bansa,” ayon kay Bello.

 

Tiniyak naman ni Khovaev sa kalihim na ginagawa ng pamahalaang Russia ang makakaya nito upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa nasabing bansa.

 

“Isang matibay na basehang legal para sa pagtutulungan ang dapat mabuo ng ating mga pamahalaan. Ang karapatan at lehitimong interes ng mga manggagawa ay dapat na tuwirang napoprotektahan,” sinabi ni Khovaev.

 

Sinabi rin niya na nangangailangan pa ang Russia ng karagdagang puwersa sa paggawa habang pinapurihan ni Khovaev ang istilo ng trabaho at kasanayan ng mga Pilipino.

 

“Ang mga Pilipino ay kilala dahil sa kanilang sipag at pagiging masunurin sa batas. Ang mga Russian at Pilipino ay nagkakapareho sa ugali. Kailangan nating humanap ng iba pang posibilidad at oportunidad. Ninanais rin namin na simulan na ang pagbuo ng matibay na legal na basehan para dito,” dagdag pa ng Russian envoy.

 

Bilang tugon, iminungkahi naman ni Bello ang pagbuo ng isang bilateral working group na siyang bubuod sa pagtutulungan ng dalawang bansa upang mas tiyak na maprotektahan ang karapatan ng parehong mga Pilipinong manggagawa at Russian employers.

 

“Umaasa kaming makilala ang aming kaparehong ahensya sa Russia upang mapag-usapan ang detalye ng kasunduang ito. Isang working group ang siyang bubuo ng mga termino at panuntunan para dito,” dagdag pa ni Bello.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry