Masayang pagsasama ang inaasahang magaganap sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City, bilang sentro ng selebrasyon ngayong araw sa pagdiriwang ng ika-83 taon ng pagkakatatag ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE).

 

Ngayong araw ding ito muling pagtitibayin ng mga opisyal at kawani ng DOLE ang kanilang pangako na maglingkod para sa manggagawang Filipino.

 

Sa simple at masayang pagdiriwang, inimbitahan si Presidente Rodrigo Roa Duterte upang magbigay ng maikling pananalita sa mga kawani at opisyal ng DOLE, kasama ang mga ahensiya at institusyon sa ilalim ng pangangasiwa nito. Ipapahayag din ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang kanyang unang mensahe para sa una niyang anibersaryo sa Kagawaran.

 

Tinatayang may 600 kawani mula sa pangunahing opisina ng DOLE, regional offices, attached agencies, at bureaus ang inaasahang dadalo sa pagdiriwang.

 

Kasabay sa pagdiriwang ng Mahal na Birhen, ang pagdiriwang ng anibersaryo ng kagawaran ay uumpisahan ng misa ng pasasalamat.

 

Upang maramdaman ang diwa ng Pasko, ang pamilya ng DOLE ay haharanahin ng Pag-asa ng Buhay Association, Inc., Children’s Joy Foundation, Inc., Life Giver Association, Inc., at Keeper’s Club International.

 

Magpapakita din ng kanilang talento ang mga piling kawani ng DOLE sa isang espesyal na bilang na Katutubong Sayaw sa Makabagong Awitin.

 

Magtatanghal ang mga kinatawan mula sa Office of the Secretary at Legal Affairs Cluster (blue team) ng Maglalatik sa Himig ng Love Me Like You Do; ang mga kawani mula sa Regional Operations at General Administration Cluster (red team) ay magtatanghal ng Simbang Gabi at Christmas Song Medley; ang mga kinatawan mula sa Employment and Policy Support Cluster (green team) ay magtatanghal ng Katutubong Sayaw Mula sa Mindanao: Singkil-Tinikling sa Himig ng Single Ladies; ang mga kawani mula sa Bureau of Labor Relations (BLR), Bureau of Working Conditions (BWC), Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), National Conciliation and Mediation Board (NCMB), at National Labor Relations Commission (NLRC) (beige team) ay magtatanghal ng Salu-salong Pamilya: Family Reunion Noche Buena; at ang panghuli, ang mga kawani mula sa Workers Welfare and Protection Cluster (violet team) ay magtatanghal ng isang sayaw na may temang kapayapaan at pagkakaisa.

 

END/ALDM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry