Ipinahayag ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na mas pinaganda at mas pinaayos pa ang serbisyo at programa ng pamahalaan para sa benepisyo at pagpapagaan ng buhay ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ngayong taon.

 

Sinabi ni Bello na bubuksan na ang OFW Bank sa Setyembre 2017, na siyang mangangasiwa sa remittance at iba pang pangangailangan sa pananalapi ng migranteng Filipino sa buong bansa.

“Ang pagbubukas ng OFW Bank ay isang inisyatibo na pakikinabangan ng ating migranteng manggagawa. Ang bangkong ito ay nakalaan para sa pangangailangan ng ating mga OFW at magmamay-ari din sila nito,” ani Bello.

 

Kanyang sinabi na may nakalaang P3 bilyong capital at P2 bilyong subscribed capital ang nasabing bangko, at ang P1 bilyon ay bubuksan para sa subscription ng OFW at magiging part owner sa pamamagitan ng share of stocks.

 

Idinagdag din ng kalihim na kasalukuyang inaasikaso na ang pagbubuo at pag-iisyu ng OFW Identification Card (OFW I.D) para sa mabilis at maayos na transaksiyon sa gobyerno at pribadong ahensiya.

 

“Kasalukuyang isinasaayos na ang pag-iisyu ng OFW I.D. Sa paggamit ng OFW I.D. mabilis nilang makukuha ang kanilang record sa gobyerno gamit ang internet, at hindi na kinakailangang puntahan ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan,” aniya.

 

Maaari ding gamitin ang OFW ID card bilang debit card at ATM card para sa OFW bank gayundin bilang Beep card para sa LRT at MRT.
Samantala, sinabi din ni Bello na mas palalawigin ng labor department at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang micro-financing loan na nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P300,000 sa mga umuwing OFWs upang bigyan sila ng capital para makatulong sa pag-uumpisa ng kanilang kabuhayan para sa kanilang pamilya.

“Bilang isa sa mga direktiba ni Presidente Duterte, titiyakin ng DOLE, kasama ang OWWA, ang maayos na reintegrasyon ng mga umuwing OFW sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang oportunidad na pangkabuhayan at iba pang paraan ng pagkakakitaan,” ani Bello.

 

END/ Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
304