Nadaragdagan ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na patuloy na nakikinabang sa One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) ng Department of Labor and Employment – Philippine Overseas Employment Administration matapos pagsama-samahin ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa iisang lugar upang maserbisyuhan ang pangangailangan ng mga Filipinong manggagawa o iyong mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa.

Nitong Disyembre 7, umabot na sa 219,697 kliyente ang nabigyan ng serbisyo ng OSSCO. Ang malaking bilang ay nagmula sa POEA OSSCO na nakatalaga sa POEA Main Office sa Mandaluyong, samantalang ang mga OSSCO sa Baguio, Pampanga, Calamba, Palawan, Cebu, Iloilo, Tacloban, Zamboanga, at Koronadal City ay nakapag-bigay ng serbisyo sa 6,222 kliyente.

Sa OSSCO main office, ang pinakamalaking bilang na nabigyan ng serbisyo ng POEA ay umabot ng 51,373 kliyente para sa documentation ng mga manggagawang nagbabakasyon o ang Balik-Manggagawa at nagbigay ng kasagutan sa mga katanungan ng OFW. Ito ay nasundan ng OWWA na nagbigay ng serbisyo sa 39,611 kliyente na nag-punta sa OWWA upang i-renew o mag-apply ng OWWA membership at nagtanong ng mga usapin ukol sa OFW.

Sa kabilang banda, ang Home Development Mutual Fund ang may pangatlong bilang ng mga kliyenteng nabigyan ng serbisyo na umabot ng 28,808. Ito ay binubuo ng mga OFW na nag-apply ng Pag IBIG membership, loyalty card, STL, at provident benefit claim.

Ang Social Security System ay nagsilbi sa 29,288 kliyente na nagpa-rehistro at nagpa-update ng kanilang membership data, nag-apply ng benefit loan claim, bineripika ang kanilang loan o contribution status, nag-enroll para sa kanilang Unified Multi-purpose ID Card (UMID) at nagtanong sa mga usapin ukol sa SSS.

Ang PhilHealth ang nakapagtala ng ika-apat sa pinakamaraming bilang ng nasilbihang kliyente na may 22,174. Ito ay binubuo ng mga OFW na nagbayad sa Center ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth, nag-apply o nag-renew ng kanilang membership, at nagtanong sa mga usapin ukol sa Philhealth.

Ang Department of Foreign Affairs ang panglima sa may pinakamalaking bilang ng kliyente sa nasabing panahon, na binubo ng 16,002 OFWs na prinoseso ang kanilang passport application at nagtanong ukol sa mga serbisyong ibinibigay ng konsulado.

Sa mga rehiyon, ang OSSCO ng Zamboanga sa OWWA Regional Office No. 9 sa Zamboanga City ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng kliyente na 2,871. Karamihan sa mga serbisyong ibinigay ay ang pagtugon sa mga katanungan ng OFW, pag-iisyu ng OFW record at pagbibigay ng tulong-legal. Ang Iloilo naman ay nakapagbigay ng serbisyo sa 900 kliyente, karamihan sa mga ito ay sumailalim sa Balik Manggagawa documentation.

Inilunsad ng DOLE ang OSSCO upang makapag-bigay ng serbisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga OFW o iyong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa sa paglalagay sa iisang lugar ng mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng serbisyo at tulong sa mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho o nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Kalihim Silvestre H. Bello III na ang pagtatatag ng OSSCO ay isa sa mga tugon ng DOLE sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte na gawing mas mabilis at maayos ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga OFW sa pagpapaigsi ng oras ng pag-proseso at kabawasan ng gastos sa pamasahe.

Ang OSSCO sa POEA sa Mandaluyong, kasama ang regional center, ay pinamamahalaan ng 16 na ahensiya ng pamahalaan. Ang mga ito ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime lndustry Authority (MARINA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health lnsurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Immigration (BI), National Bureau of lnvestigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED), Tourism lnfrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of lnternal Revenue (BIR).

END/GSR/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry