Patuloy na dumarami ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na kulang sa dokumento ang napapauwi mula sa Saudi Arabia matapos na makakuha ng 90-day amnesty program ng Kingdom of Saudi Arabia o ang “Nation without Violations” na magtatapos sa Hunyo 29, 2017.

 

“Sa ngayon, pumapalo na sa mahigit isang libo ang mga nakauwi ng OFWs at mayroon pang mga 2,000 na nabigyan na rin ng exit visa. Mayroon pa tayong ine-expect na 4,000 hanggang 5,000 amnesty availees hanggang sa Hunyo 29 o sa loob pa ng kalahating buwan,” ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo J. Cacdac kasunod ng pagsalubong niya sa ika-walong batch ng mga napauwing OFW sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

 

Ang batch na binubuo ng 147 OFW mula sa Riyadh ay tumanggap ng tulong mula sa OWWA, kabilang na ang airport assistance, psycho-social counseling/stress debriefing at medical referral.

 

Liban pa sa nasabing tulong, inaasahang aayuda rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng programa nitong Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) upang makapagbigay ng trabaho sa bansa at overseas, tulong pangkabuhayan, legal at conciliation service, competency assessment at training assistance sa mga napauwing OFW.

 

“Ang malawakang programa ni President Duterte at ni Labor Secretary Bello ay upang bigyan ng mapagpipilian ang mga OFW. Lalatagan natin sila ng mga livelihood programs at sila ang mamimili. Maaari silang magsimula sa maliit na enterprise o linangin ang kanilang kasanayan at makakuha ng bagong trabaho dito sa ating bansa,” dagdag pa ni Cacdac.

 

Sinabi rin niya na ang mga napauwing OFW ay makatatanggap ng kabuhayan starter kit na nagkakahalaga ng P10,000-20,000 sa ilalim ng Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay! Program ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO).

 

Samantala, nagpasalamat naman si Eljhen Ancla Camlipusam, isa sa napauwing OFW na iligal na nanirahan sa Riyadh ng apat na taon, kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa tulong nito at sa oportunidad na makauwi na sa bansa.

 

“Napakahirap ng kalagayan namin sa Riyadh. Ang tagal ko nang gustong umuwi at nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte at nabigyan kami ng pagkakataong umuwi. Napakalaking tulong po nito,” ayon kay Camlipusam, na nakauwi na sa kanyang bayan sa Surigao Del Norte.

 

Ang mga napauwing OFW ay tumanggap ng P 5,000 cash assistance mula sa DOLE-OWWA habang ang mga kababaihang may anak ay binigyan ng karagdagang P5,000 cash assistance mula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

 

Mula Mayo 18, 2017, nasa 4,000 OFW na ang nakapagparehistro upang makakuha ng 90-day amnesty program na ibinibigay ni King Salman bin Abdulaziz Al Saud ng Saudi Arabia.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry