Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawang una nang hindi nakakuha ng kanilang compensation benefit claim na iapela ang kanilang mga kaso sa Employees’ Compensation Commission (ECC).

 

Ang ECC ay isang attached agency ng DOLE na nagbibigay ng iba’t ibang benepisyo sa publiko at mga empleyado sa pribadong sektor at kanilang mga dependent kaugnay sa mga work-related sickness, injury, disability o pagkamatay.

 

Sa ulat na isinumite kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, iniulat ng ECC na may dalawang manggagawa na nagkaroon ng work-related health illness ang pinakahuling nabigyan ng compensation benefits sa kabila ng pagka-deny sa Social Security System (SSS) at sa Government Service Insurance System (GSIS).

 

Sila ay sina Susana Bonode, 56 years old mula sa Boac, Marinduque, isang agriculturist sa Provincial Agriculture Office ng Provincial Government ng Marinduque, at si Erlinda Isican na namamasukan bilang Production Specialist sa isang semiconductor company sa Baguio City.

 

Ayon sa ulat, si Bonode ay unang humingi ng medical consultation dahil sa kanyang Urinary Tract Infection at Hypercholesterolemia. Kasama sa kanyang trabaho ay bumiyahe sa iba’t ibang lugar mula Setyembre hanggang Nobyembre 2015. Nagsagawa siya ng data gathering, encoding, analysis, at maging pagdepensa sa mga proyekto at resulta nito sa mga kinatawan ng World Bank upang makalikom ng tulong pinansyal.

 

Noong Disyembre 1, 2015, habang pabalik siya sa Manila Grand Opera Hotel upang dumalo sa MIMAROPA Regional Conference sa Provincial Commodity Investment Plan, isinugod si Bonode sa Metropolitan Hospital sa Maynila at na-diagnose na may Coronary Artery Disease Acute Myocardial Infarction.

 

Nagsumite siya ng claim sa GSIS Lucena Branch subalit na-deny ito kaya nagpasya na siyang umapela sa ECC.

 

Nagsagawa rin ang ECC ng imbestigasyon at napatunayan na ang tatlong buwan na patuloy na pagbiyahe ay nakapagpahina ng kanyang resistensya at nakaapekto sa kanyang pisikal na kondisyon, lalo na sa kanyang edad at pagkakaroon ng history sa heart ailment.

 

Iniutos ng ECC sa GSIS na bigyan si Bonode ng EC disability benefit at reimbursement ng mga nagastos nito sa ospital dahil sa kanyang coronary artery disease.

 

Sa kaso naman ni Isican, sa pagitan ng buwan ng Pebrero at Marso 2016, sumailalim siya sa blood at audiogram examination kung saan nadiskubre na mayroon siyang Spinal Arthritis at coronary heart disease.

 

Noong Abril 2016, nagsumite si Isican ng claim para sa disability benefit sa SSS Baguio Branch subalit na-deny rin ito. Ito ang nagtulak kay Isican upang umapela sa ECC.

 

Itinama rin ng ECC ang desisyon ng SSS at inatasan itong ibigay ang benepisyo at reimbursement ng mga nagastos sa ospital ni Isican dahil sa kanyang Spinal Arthritis. Sinabi pa ng ECC na ang chronic posture at mga sakit dulot ng paulit ulit na ginagawang trabaho sa semiconductor industry ay laganap at nagiging sanhi ng musculoskeletal disorders.

 

Samantala, ang mga manggagawa na may kaparehong kaso o na-deny sa pagkuha ng kanilang compensation benefit ay pinapayuhang dumulog sa pinakamalapit na opisina ng ECC sa kanilang lugar o tumawag sa ECC Public Assistance Center sa mga numerong: (02) 8967837 o mag-email sa [email protected].

 

#Paul Ang with reports from ECC

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry