Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa mga grupo ng manggagawa na mahigpit na ipatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong Department Order na nagtatakda ng pagbabawal sa labor-only contracting at iba pang uri ng iligal na pangongontrata.

 

“Kahit na anong ganda ng order, kung sa implementasyon eh walang saysay, wala ring mangyayari dyan. Ito ang dahilan kaya ko kayo [grupo ng manggagawa] itatalaga bilang mga deputy na magsagawa ng inspeksyon sa iba’t ibang mga establisimiento upang mabatid kung sila ay sumusunod sa bagong department order,” wika ni Bello sa isinagawang protesta ng manggagawa sa opisina ng DOLE sa Maynila.

 

Inatasan na rin ni Bello si Undersecretary Joel Maglunsod na pangasiwaan ang grupo ng mga labor compliance officers at kinatawan mula sa grupo ng mga manggagawa at negosyante upang magsagawa ng mga inspeksyon sa higit kumulang 90,000 establisimiento upang matiyak ang kanilang pagsunod sa mga umiiral na labor standard at batas.

 

“Ang mga inspection team ang direktang mag-uulat sa akin at kapag may napatunayang hindi sumusunod, tayo [DOLE] mismo ang pupunta at sasabihin natin na i-regular sila,” ayon kay Bello.

Nanindigan rin si Bello sa mga grupo ng manggagawa kaugnay sa pagpapalabas nito ng D.O. 174 noong nakaraang linggo na tanging ang kongreso lamang at hindi ang DOLE ang siyang may kapangyarihang ipagbawal nang lubusan ang kontraktuwalisasyon.

 

“Ginawa namin ang D.O. upang tugunan ang hinaing ninyong mga manggagawa, ngunit ang lubusang pagbabawal ng lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon ay hindi na saklaw ng aming kapangyarihan. Ang tungkuling iyon ay saklaw na ng batas sa kongreso,” paliwanag pa ni Bello.

 

Binibigyang diin ng kautusan ang karapatan para sa seguridad ng trabaho ng mga manggagawa; saklaw nito ang lahat ng mga kasunduan na kinabibilangan ng relasyon sa pagitan ng employer at mga manggagawa nito; at ang lubusang pagbabawal sa labor-only contracting, at paglilinaw ng mga uri nito at iba pang kasunduan sa pangongontrata.

 

Pinahihintulutan naman nito ang pangongontrata at subcontracting; pinaiigting ang karapatan ng mga manggagawa sa labor standards, self-organization, collective bargaining at security of tenure; at inaatasan ang mga kontraktor at subcontractor para sa kanilang mandatory registration at nagbibigay linaw sa mga proseso para sa kanselasyon ng kanilang rehistro.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry