Pinag-iingat ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang publiko, partikular ang mga Filipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, sa mga pekeng trabahong iniaalok online upang makaiwas sa pagtatrabaho ng walang dokumento at nang hindi makaranas ng paghihirap sa ibang bansa.

“Kailangang maging maingat ang mga Filipino sa mga magagandang alok na trabaho sa ibang bansa na naka-post online. Iwasang mag-aplay sa mga hindi lisensiyadong recruitment agency,” ani Bello.

Kasama ng Kalihim si Presidente Rodrigo R. Duterte sa Kingdom of Saudi Arabia mula Abril 10-12 upang tingnan ang kondisyon ng mga OFWs at pangasiwaan ang pagpapauwi sa 5,000 stranded na OFW, kasunod ng ibinigay na 90-araw amnestiya ng Saudi Arabia.

 

“Ilan sa mga hindi dokumentado at stranded na OFW sa Saudi Arabia ay biktima ng illegal recruitment scam at hindi naranasan ang trabahong inialok sa kanila,” ani Bello.

Kanyang pinahayag na patuloy na pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at iba pang kinauukulang ahensiya, ang kampanya laban sa illegal recruitment upang tiyakin ang kapakanan at seguridad ng mga OFW.

 

“Ilan sa mga problemadong OFW ay biktima ng maling pangako ng illegal recruiter na nagiging dahilan upang sila ay maabuso. Ang DOLE, kasama ang POEA at iba pang kinauukulang ahensiya, ay patuloy na palalakasin ang kampanya upang wakasan ang illegal recruitment,” ani Bello.

Nagbigay ang POEA ng tulong-legal sa 79 biktima ng illegal recruitment at inendorso ang ilang daang napaulat na kaso sa Department of Justice para sa paunang imbestigasyon.

Samantala, hinihikayat ng POEA ang publiko na itawag sa kanilang hotline number 722-11-44 / 722-11-55 ang anumang mapanlinlang na gawain sa pagre-rekrut at pinaalalahanan ang publiko na huwag mag-aplay sa mga hindi lisensiyadong recruitment agency, kasama na ang pakikipag-usap sa sinumang hindi awtorisadong kinatawan ng lisensiyadong ahensiya.

 

END/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry