Upang makapagbigay ng mas makabuluhang tulong sa mga persons with work-related disabilities (PWRDs), tinaasan na ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang halaga ng tulong pangkabuhayan nito ng P20,000 hanggang P30,000 mula sa dating P10,000 ayuda.

Dinagdagan rin ng komisyon ang halaga para sa transportation at meal allowance mula sa dating P250 kada araw, sa P500 kada araw.

Ang nasabing pagdaragdag ng tulong ay naisakatuparan sa pamamagitan ng ECC Board Resolution Nos. 18-02-06 at 18-02-05.

Sa ilalim ng Rehabilitation Services of the Employees’ Compensation Program (ECP), ang isang PWRD ay binibigyan ng programa para sa remedial treatment, vocational assessment, at iba pang paghahanda na sadyang idinisenyo upang makasabay sila sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan sa buhay.

“Ibinibigay ang transportation at meal allowance sa mga PWRD na may kasamang libreng physical therapy session o skills/entrepreneurial training session,” wika ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

“Bilang bahagi ng rehabilitation service ng ECP, ang mga PWRD na nagpatala para sa skills at entrepreneurial training ay binibigyan rin ng mga starter kits,” dagdag pa ni Banawis.

Paliwanag pa niya, ang naturang pagdaragdag sa halaga ng tulong para sa livelihood starter kit, transportation at meal allowance ay isang paraan ng ECC upang matiyak na ang ibinibigay na tulong sa mga benepisyaryo ay sumasapat sa nagbabagong halaga ng mga gastusin sa bansa at upang makapagtayo ang mga PWRD ng masaganang negosyo.

“Kung nais ng mga PWRD na magsimula ng bagong negosyo, kailangan natin silang alalayan rito, hindi lamang sa mga kinakailangan nilang kasanayan, kung hindi pati sa halaga ng tulong sa mga kagamitan na magbibigay sa kanila ng kakaibang bentahe sa ibang mga negosyante,” ayon kay Labor Secretary at ECC Chairperson Silvestre Bello III.

ECC/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry