May 3,377 kompanya ang nakitaan o hinihinalang nagpapatupad ng labor-only contracting batay sa inisyal na listahan ng mga establisyamentong non-compliant na inilabas ng labor department.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ang listahan ay batay sa resulta ng isinagawang inspeksiyon sa 99,526 establisyamento mula Hunyo 2016 hanggang Abril 2018.

“Aming ipinaaalam sa inyo ang top 20 kompanyang non-compliant ayon sa bilang ng manggagawa na dapat gawing regular, mula sa listahan ng 3,377 kompanyang non-compliant na may 224,852 manggagawa mula sa iba’t ibang lugar ng bansa,” ani Bello.

Kasama sa mga nangunguna sa paglabag ang Jollibee Food Corporation na may 14,960 apektadong manggagawa, ang Dole Philippines, Inc., na may 10,521, at ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) na may 8,310.

Ang iba pang kompanya na nagpapatupad ng labor-only contracting ay ang Philsaga Mining Corporation na may 6,624 apektadong manggagawa; General Tuna Corporation na may 5,216; Sumi Phils Wiring System Corporation na may 4,305; Franklin Baker Inc., na may 3,400; Philipinas Kyohritsu na may 3,161; Furukawa Automotive System Phil. Inc., with 2,863; at ang Magnolia Inc., na may 2,248 apektadong manggagawa.

Kasama rin ang KCC Property Holdings, Inc., na may 1,802 apektadong manggagawa, Sumifru Philippines , Corp. na may 1,687; Hinatuan Mining Corporation na may 1,673; KCC Mall De Zamboanga na may 1,598; Brother Industries (Philippines) Inc., na may 1,582; Philippine Airlines at PAL Express na may 1,483; Nidec Precision Philippines Corporation na may 1,400; Peter Paul Phil. Corporation na may 1,362; Dolefil Upper Valley Coperations na may 1,183; at ang SOLE-Satnfilco na may 1,131 apektadong manggagawa na kabilang sa paunang listahan na isinumite sa Malacañang noong Mayo 25, 2018.

“Isinumite namin sa Pangulo ang listahan ng lumalabag hindi para siraan sila. Ito lamang ay upang bigyang-diin ang aming tungkulin, hindi lamang ng Pangulo, kung hindi pati ng aming kagawaran na igalang ang karapatan sa seguridad sa trabaho ng ating manggagawa. Hindi namin ito ginagawa upang kalabanin ang management dahil tinitingnan namin ang pagtutulungan sa pagitan ng manggagawa at mamumuhunan,” ani Bello.

Ipinaalala ni Bello na ang listahan ay inisyal na ulat lamang sa Pangulo, na ito ay bahagi lamang ng mahigit 900,000 establisyamento sa buong bansa na dapat mainspeksiyon.

“Sa ngayon mayroon lamang kaming 574 labor law compliance officer na nagsasagawa ng inspeksiyon sa mahigit 900,000 establisyamento sa buong bansa at sa tingin ko na imposible ito. Kaya muli naming ipinarating sa Pangulo ang aming pangangailangan na karagdagang 2,000 inspector,” ani Bello.

Samantala, sinabi ni labor secretary na hindi kasama sa listahan ang SM Malls dahil nag-sumite na ito ng kanilang voluntarily regularization program, at tinatayang 10,000 manggagawa ang gagawing regular sa pagtatapos ng 2018.

Ipinagbabawal ng DOLE Department Order No. 174 ang labor–only contracting, kung saan kumukuha lamang ang contractor ng manggagawa para magtrabaho sa principal sa ilalim ng kasunduan sa empleo na kung saan nawawalan ng karapatan ang manggagawa para sa seguridad sa trabaho.

Nitong Mayo 11, 2018, may 176,286 kabuuang manggagawa ang ginawang regular dahil sa pinalakas at pinatatag na labor enforcement system ng labor department.

END/Abegail De Vega/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1