Isang libreng screening ng pelikulang ‘Sunday Beauty Queen’ ang handog ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya at mahal sa buhay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa SM Mall of Asia, Pasay, noong Sabado.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac, ang libreng movie screening ay napapanahong mapanood ng pamilya at kaanak ng mga OFWs dahil sa aral na dala nito sa mga manonood.

“Magandang karanasan na magkasama-sama tayong lahat dito upang panoorin ang napakaganda at napakahalagang pelikula na ito,” wika ni Cacdac.

Ang ‘Sunday Beauty Queen’ ay isang documentary film ni Baby Ruth Villarama na tumatalakay sa totoong buhay ng grupo ng mga Pilipinong Domestic Helpers sa Hong Kong na nahahanap ang kanilang kasiyahan sa mga beauty pageants.

Ang pelikula rin, na apat na taong ginawa, ay nagpapakita kung paano ginagamit ng mga Pinoy na Domestic Helpers ang kanilang bakanteng araw o pahinga–o Linggo, kung saan nagpapalit anyo sila sa katauhan ng mga Beauty Queen, upang makapagbigay aliw sa kapwa Pilipino at makalikom ng pondo para sa mga nangangailangang OFWs.

Liban pa sa pagiging kauna-unahang dokumentaryo na mapabilang sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2016, nakuha rin ng pelikula ang Best Picture Award, kaya naman ito rin ang unang documentary film na nakatanggap ng nasabing parangal sa kasaysayan ng Film Festival.

Pinangunahan nina DOLE Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III, OWWA Deputy Administrator Josefino I. Torres, National Reintegration Center for OFWs (NRCO) Director Chona M. Mantilla, at International Labor Affairs Bureau (ILAB) Director Jesus A. Cruz, Jr., ang nasabing screening ng pelikula.

Samantala, nagmula naman sa National Capital Region (NCR), Tarlac, Pampanga at Nueva Ecija; Blas F. Ople Policy Center, at trainees mula sa Language and Culture Seminar ang mga pamilya ng OFW ang nahandugan ng libreng panonood ng pelikula.

#Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry