May alok na libreng sakay ang MRT 3 sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor sa Mayo 1, Araw ng Paggawa.

Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos na hilingin sa Department of Transportation – Metro Rail Transit 3 (DOTr-MRT3) na mabigyan ng libreng sakay ang mga manggagawa kasabay ng pagdiwang ng bansa sa Labor Day sa susunod na linggo.

“Sinuportahan ni General Manager Rodolfo Garcia ang aming hiling. Lahat ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor ay maaaring makasakay ng libre sa MRT 3 mula 7:00 a.m. hanggang 9:00 a.m. at mula 5:00 hanggang 7:00 pm sa Mayo 1. Magpakita lamang sila ng kanilang company identification card,” wika ni Bello.

Bibigyan ng mga magnetic card ang mga pampubliko at pribadong manggagawa para makapasok sa mga service gate ng MRT.

Ipatutupad pa rin ng pamunuan ng MRT ang karaniwang inspeksyon sa mga bag at bagahe ng mga pasahero at manggagawa.

Sa oras na dumating sa kani-kanilang mga destinasyon ang mga manggagawa pagkatapos ng libreng sakay, dapat nilang ibalik ang mga naibigay sa kanilang magnetic ticket sa mga drop box na makikita sa mga service gate ng MRT.

Mayroong mga istasyon ng MRT 3 sa North Avenue, Quezon Avenue, Kamuning, Cubao, at Santolan-Annapolis sa Quezon City; Ortigas Avenue sa Pasig City; Shaw Blvd. at Boni Avenue sa Mandaluyong City; Guadalupe, Sen. Gil Puyat Avenue (Buendia), Ayala Avenue, at Magallanes Avenue sa Makati City; at Taft Avenue naman sa Pasay City.

Sa kabilang dako, pangungunahan ng Department of Labor and Employment ang ika-116 na pagdiriwang sa Araw ng Paggawa kasabay ng paglulunsad ng 53 Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Job and Business Fair sa buong bansa.

Higit kumulang 80,000 na bakanteng trabaho ang iaalok ng mga nasabing job fair para sa mga job seeker.

Sa Mayo 2, ang DOLE, katuwang ang National Anti-Poverty Commission, ay pangungunahan rin ang Labor Day para sa Informal Sector worker bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa informal economy.

END/GSR/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry