Magbibigay ng libreng management training ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Pilipinong seaman na miyembro nito upang sila ay makasunod sa international maritime standards.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, ang OWWA ang siyang magpopondo sa Management Level Courses (MLCs) para sa mga Pilipinong mandaragat upang paigtingin ang mga programa at makasunod sa itinatakda ng 2010 Standards of Training and Certification and Watch keeping for Seafarers (STCW) Convention.

 

“Iniimbitahan namin lahat ng Marine Deck at Engine Officers na mag-apply sa training course na ito. Isa lamang ito sa programa upang maiangat ang kasanayan ng mga Pilipinong seafarer at upang makasabay sila sa kahusayan sa buong mundo,” wika ni Bello.

Batay sa OWWA Board Resolution No. 14, series of 2017 na pirmado ni Bello, ang OWWA ay maglalaan ng P50 milyong pisong tulong upang pondohan ang pagsasanay ng mga nasabing manggagawang seaman.

 

Ang mga aktibong miyembro na may tatlong buwan na kontribusyon sa OWWA Fund at hindi pa nakakakuha ng ibang programa ay maaaring makatanggap ng nasabing tulong sa pagsasanay na nagkakahalaga ng P7,500.

 

Ang International convention on STCW 1978 ang nagtatakda ng kuwalipikasyon at panuntunan para sa mga master, officer, at watch personnel sa mga barko sa karagatan sa mas mataas at lebel ng ibang bansa. Ang nasabing panuntunan sa sertipikasyon ay ipatutupad sa Hulyo 1, 2017.

 

Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac na ang mga kursong iniaalok sa programa para sa mga Deck Officer ay: Navigation at the Management Level, Controlling the Operation of the Ship and Care for Persons on Board at the Management Level, and for Marine Engineer; Marine Engineering at the Management Level, Electrical and Electronic Control Engineering at the Management Level, Maintenance and Repair at the Management Level, at Controlling the Operation of the Ship and Care for Persons on Board at the Management Level.

 

“Ang mga Pilipinong seaman ang tinaguriang pinaka-in demand sa industriya dahil sa kanilang naiibang kasanayan, dunong teknikal, pagkamaaasahan, at ang abilidad na makipag-usap sa Ingles. Makikita rin sa mga tala na nasa two-third ng seaman sa mundo ay pawang mga Pilipino. Umaasa kami sa maraming bilang ng mga trainee para sa programang ito,” dagdag pa ni Cacdac.

 

Ang mga interesadong aplikante ay maaaring magsumite ng 2 kopya ng accomplished application form, 2 kopya ng 2×2 photo, Seafarer’s Identification and Record Book (SIRB) at pasaporte, kasama ang kanilang kumpirmasyon sa pagpapatala, at certification/endorsement mula sa principal/manning agency kung saan ay nagpapatunay na hindi pa sila nakakuha ng kaparehong oportunidad sa pagiging iskolar.

Ipatutupad ang programa hanggang Hunyo 30, 2017 at ang mga interesadong seaman para sa nasabing pagsasanay ay maaaring magpatala ng kanilang aplikasyon sa loob ng 90 araw mula sa araw ng kanilang pagdating sa Pilipinas.

#Paul Ang with reports from OWWA

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry