Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang layunin niyang wakasan na ang “endo” at iba pang maling labor practices, at sinabing nais niyang ipagpatuloy ang kampanya para sa interes ng manggagawa nang pangunahan niya ang paggunita sa Araw ng Paggawa sa People’s Park, Davao City.

 

“Naninindigan ako sa aking paniniwala na wakasan ang endo. Tinitiyak ng Labor Code ang lahat ng manggagawa sa kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho. Dapat itong mahigpit na ipatupad. Magpapalabas rin ako ng executive order na nag-uutos sa mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na probisyon sa batas laban sa endo at labor-only contracting,” ayon sa Pangulo.

 

Inatasan na rin ni Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang mag-deputize ng trade unions upang magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng establisimento para na rin sa tripartism.

 

Sinabi rin niya na ang kanyang administrasyon ay kukuha ng karagdagang labor inspector na siyang tutulong sa mga labor compliance officers upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na probisyon sa batas laban sa endo at labor-only contracting.

 

Tiniyak rin ng pangulo na raratipikahan nito ang International Labor Organization (ILO) Convention 151 o ang Labor Relations (Public Service) Convention.

 

“Gagawin ko rin ito sa senado para sa kanilang pagtugon at pagpayag. Ito sana ang maging simbolo ng layunin ng pamahalaan upang patuloy na ikampanya ang inaasam na walang bahid ng korapsyon na serbisyo publiko,” dagdag pa ng pangulo.

 

Bago ito, nagkaroon na rin ng dayalogo ang pangulo kasama si Labor Secretary Silvestre H. Bello III, at mga opisyal sa mga lider ng unyon at manggagawa upang pag-usapan at tugunan ang iba’t ibang isyu at problema sa paggawa at paghahanapbuhay.

 

Ipinagdiwang ang Araw ng Paggawa kasunod ng temang “Matatag na Kabuhayan at Trabaho Tungo sa Progresibong Pagbabago”, na naglalayon ring magbigay ng iba’t ibang oportunidad sa trabaho at hanapbuhay hanggang sa pinakamababang antas ng lipunan kaya naman ginawang localized ang mga job at business fair.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry