Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga labor group bago matapos ang buwan upang pag-usapan ang kanilang saloobin kaugnay sa isyu ng kontraktuwalisasyon, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

“Makikipagdayalogo si Pangulong Duterte sa mga labor group sa darating na Pebrero 27. Ang pangunahing agenda nila ay isyu ng kontraktuwalisasyon,” wika ni Bello.

Positibo rin si Bello na magiging maganda ang resulta ng gaganaping pulong tungo sa pagbuo ng kasunduan sa pagitan ng mga manggagawa at mga employer upang wakasan na ang iligal na kontraktuwalisasyon.

“Iyan ang layunin ng departamentong ito,” dagdag pa ng kalihim.

Hinimok naman ni Bello ang mga employer na maging bukas at lawakan ang pag-iisip upang sama samang makahanap ng maayos na resolusyon na magiging patas at magkakaroon ng benepisyo sa lahat ng sektor.

Samantala, may kabuuan ng 35,855 ang mga kontraktuwal na manggagawa sa buong bansa ang naregular sa trabaho ng kanilang mga employer noong buwan ng Enero 2017.

Mula sa nasabing bilang, 31,756 na manggagawa ang naregular matapos na magsagawa ng konsultasyon ang DOLE Regional office sa 7,433 kontraktor at principal. Mayroon namang 4,099 na manggagawa ang naregular matapos ang assessment sa 1,001 establisimento.

“Patuloy naming hinihikayat ang mga employer na boluntaryong mag-regular ng mga manggagawa na nasa ilalim ng tinatawag na ‘labor-only contracting arrangement’,” ayon kay Bello.

#celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry