Isang potensiyal na krisis sa kuryente ang naiwasang mangyari matapos na matagumpay na maisaayos ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang labor dispute sa pagitan ng Korea Electric Power Corporation (KEPCO) at ng kanilang manggagawa sa Batangas.

Ang KEPCO Ilijan Employees Association, kasapi ng Workers Solidarity Network (WSN), ay pumasok sa bagong anim na taong Collective Bargaining Agreement sa KEPCO management matapos magkaroon ng deadlock ang kanilang negosyasyon noong nakalipas na taon na siyang dahilan upang humiling ang unyon ng strike vote sa kanilang mga kasapi na binubuo ng 54 rank-and-file member.

“Pinasasalamatan ko ang dalawang partido sa pagresolba ng hindi nila pagkakaunawaan matapos silang sumailalim sa conciliation conference upang mapabilis ang proseso ng kasunduan na nagbunga ng P9.8 million economic package para sa mga manggagawa,” ani Bello.

Nagsusuplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Luzon ang 1,200 megawatt dual-fuel power plant sa Ilijan, Batangas. Ito ang pinakamalaking planta sa buong bansa na pinatatakbo ng natural gas at gumagamit ng distillate oil bilang pangalawang pinagkukunan ng kuryente.

“Dahil sa pagkakasundo, naiwasang mag-welga ang mga manggagawa na siyang nagbigay katiyakan na patuloy ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Luzon,” ani Bello.

Ang conciliation-mediation conference, na pinamunuan ni Undersecretary Joel B. Maglunsod, kasama sina RCMB IV-A Director Feliciano R. Orihuela, Deputy Executive Director Maria Teresita Cancio, Conciliator-Mediator Jovit R. Morando at Mario Manuelito Say, ay naging daan upang maisaayos ang hindi pagkakaunawaan at sa pagkakalagda ng bagong CBA para sa loob ng anim na taon.

Sumailalim ang unyon sa strike vote noong mga unang araw ng Enero matapos magkaroon ng negotiation deadlock sa kanilang CBA noong Setyembre ng nakaraang taon. Ito ang naging dahilan upang sila ay sumailalim sa conciliation-mediation conference.

Nagkasundo ang management ng KEPCO at ang unyon sa pitong porsiyentong pagtaas sa kanilang basic salary kada buwan sa susunod na tatlong taon, signing bonus na P40,000 kada empleyado na hindi babawasan ng buwis; at separation pay na isa at kalahating buwan kada taon ng serbisyo.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry