Naglabas na ng ‘recall order’ si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III para sa Acting Labor Attaché sa Kuwait dahil sa umano’y kapabayaan sa trabaho nito at hindi pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa kanyang nasasakupan.

Ang kautusan ay inihain kay Angelita Narvaez, acting labor attaché ng Kuwait, kasunod ng pagkamatay ng isa pang manggagawang Pinoy na napaulat na napatay dahil sa matinding pagkabugbog ng employer nito.

“Naglabas na ako ng recall order kay Angelita Narvaez para sa kanyang kapabayaan at hindi pag-aksyon sa mga hinaing ng mga overseas Filipino workers,” wika ni Bello. Nabatid na hawak ni Narvaez ang puwesto ng Assistant Labor Attaché sa Kuwait.

Sinabi pa ni Bello na hindi kinumpirma ni Narvaez ang kaso ni Amy Capulong Santiago noong nagtungo ang kalihim para sa ikatlong serye ng diskusyon at pakikipagpulong sa CPP-NPA-NDF sa Rome, Italy.

“Namatay si Santiago noong Enero 25. Naroon ako noong Enero 26 ngunit hindi man lang ako naabisuhan ni Narvaez kaugnay ng sinapit ni Santiago. Malinaw na nais niyang iligaw o sadyang itago ang kasong ito sa akin,” giit ni Bello.

Dinagdag pa niya na sinadya rin ni Narvaez na hindi niya makita ang mga OFW sa Bahay Kalinga.

“Nalaman ko na lamang sa isang OFW na nagbalik rito sa Pilipinas, na mayroon palang 100 OFW ang nasa second floor ng Bahay Kalinga. Itinago niya ito,” ayon pa sa kalihim.

Ang Bahay Kalinga o ang Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) ay nagsisilbi bilang pansamantalang tuluyan ng mga overseas Filipino na dumaranas ng problema. Matatagpuan ito sa loob lamang ng compound na nasasakop ng administrative jurisdiction ng Philippine Embassy sa mga bansang maraming bilang ng mga Pilipino ang nagtatrabaho.

Pangungunahan ng International Labor Affairs Bureau (ILAB), ang mother office ni Narvaez, ang imbestigasyon kaugnay sa kanyang kaso sa oras na bumalik ito sa bansa.

Samantala, nakipagpulong na rin si Bello kay Ambassador Musaed Saleh Ahmal Althwaikh kaugnay ng sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait, nang bumisita ito sa opisina ng DOLE.

Gayunman, hindi na idinetalye pa ng kalihim ang mga napag-usapan nila ng Kuwaiti Ambassador at sinabi na lamang nitong ang pulong ay “prangkahan at maayos.”

“Ang naganap na pulong ay lubos na kaaya-aya, at makabubuti para sa labor relation ng Pilipinas at Kuwait,” paliwanag pa ni Bello.

#celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry