Naipapanalo na ng pamahalaan ang kampanya upang mapuksa ang iligal na labor-only contracting at iba pang uri ng ipinagbabawal na pangongontrata ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Batay sa year-end report mula sa Bureau of Working Conditions (BWC), sinabi ni Bello na may 125,352 na manggagawa na ang nasa regular employment status, kabilang rito ang mga mareregular hanggang matapos ang taon.

“Matatapos natin ang taong ito na mas maraming manggagawa ang magkakaroon ng seguridad sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng mas pinalakas na labor inspection at voluntary regularization ng mga nakikiisang establisimento. Katuwang rin ang ating Pangulong Duterte, tayo ay nagpapatuloy at pinaiigting pa ang kampanya upang mapuksa ang mga hindi naaayong gawain,” wika ni Bello.

Dagdag pa ng ulat ng BWC, 40,903 manggagawa ang naregular sa pamamagitan ng mga labor assessments, at 27,144 pa ang inaasahang mareregular kasunod ng mga inilabas na Compliance Orders.

Iniulat rin ng BWC na may 8,697 na manggagawa ang nasiguro na ang kanilang regular employment status sa pamamagitan ng voluntary regularization habang 48,286 iba pa ang inaasahang madaragdag sa bilang na ito sa pagtatapos ng taon.

Lumalabas rin sa kaparehong ulat na may kabuuang 81,445 establisimento sa buong bansa na saklaw ang 3.2 milyong manggagawa ang na-inspeksyon na ng mga Labor Laws Compliance Officers (LLCOs) upang matiyak ang kanilang pagsunod sa mga  labor laws at standards.

Una nang sinuspinde ni Bello nitong buwan ang mga labor inspection upang mabigyan ng pagkakataon ang mga compliance officer na makapagplano ng mas epektibong programa sa pagmo-monitor at inspeksyon para sa taong 2018.

“Tinitiyak ng DOLE na ang lahat ng mga kumpanya at employer sa buong bansa ay susunod sa labor standards higit lalo ang aspeto ng pagreregular ng kanilang mga empleyado. Dagdag pa rito, ang mga manggagawa ay dapat na makatanggap ng tamang pasuweldo at mga benepisyo alinsunod sa batas,” dagdag pa ni Bello.

 

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry