Itinakda ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang four-point priority agenda para palakasin ang paglikha ng trabaho at pagtibayin ang proteksiyong-pangkagalingan ng mga manggagawa.

Sa kanyang direktiba sa mga opisyal, nanawagan si Bello ng kooperasyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas-paggawa upang tiyakin ang seguridad sa trabaho.

“Habang patuloy pa nating isinasaayos ang mga patakaran para wakasan ang iligal na kontraktuwalisasyon, atin namang sisiguruhin na mahigpit na naipatutupad ang batas sa seguridad sa trabaho, at gagawin ang lahat upang mahinto at mapigilan ang mga maling gawain upang makaiwas sa batas,” ani Bello.

Kasama sa priority agenda ang istratehiya ng DOLE na makalikha ng 7.5 milyong trabaho sa 2020 sa ilalim ng Trabaho, Negosyo, and Kabuhayan: Blueprint for Decent Job Creation through Employment and Entrepreneurship.

“Kaagapay niyo kami sa paglikha ng mas maraming trabaho na matatagpuan sa manufacturing, agri-fishery, construction, tourism, IT-BPM, transportation and logistics, at retail-trade and industry,” ani Bello. Kanya ring binanggit na kasama ang Department of Trade and Industry sa gawaing ito.

Idinagdag niya na tutulong din ang DOLE sa pagkamit ng full employment sa pamamagitan ng pagpapanatili sa unemployment rate sa limang porsiyento.

Noong nakaraang Disyembre, tinipon ng DOLE at DTI ang pribado at pampublikong sektor at ang mga miyembro ng academe sa pagbubuo ng national employment program, isang istratehiya na susuporta sa National Development and Security Strategy geared towards the Philippine Development Plan 2017-2022.

Sinabi ni Bello na bagama’t ang pribadong sektor ang pangunahing nangangasiwa sa paglikha ng empleo, ang DOLE ay naatasan naman na pataasin ang kapasidad ng ekonomiya sa paglikha ng produkto at serbisyo sa pagtitiyak na may sapat at matatag na manggagawang may kasanayan at kakayahan.

Isa rin sa binigyang prayoridad ang pagpapalakas sa proteksiyon at seguridad ng overseas Filipino workers sa pamamagitan ng paglaban sa illegal recruitment, epektibong proteksiyon sa bansang pinagtatrabahuhan, at pinalakas na programa sa reintegrasyon ng mga overseas worker.

“Palalakasin namin ang aming kampanya laban sa illegal recruitment at trafficking in persons sa pagbibigay ng tulong-legal sa mga biktima ng illegal recruitment, gayundin ang pagpigil sa gawaing iligal ng mga recruiter at ahensiya, at pagbibigay ng karagdagang impormasyon sa mga OFW para makaiwas na mabiktima ng illegal recruitment,” ani Bello.

Ang huling agenda ay ang pagtitiyak na ang mga programang pangkagalingan ng Department ay sapat at madaling makakarating sa mga benepisaryo nito.

Sinabi ni Bello na ang higit na nangangailangan ang nararapat na mabenepisyuhan ng mga programang pangkagalingan ng DOLE.

“Kailangan nating bigyang pansin ang mga lugar na ito sa pagtugon sa suliranin kung paano sila makakakuha ng sapat na benepisyo, pagkukuhanan ng pondo, at kung paano nila ito mapapanatili. Dapat aktibo tayo sa pagbubuo ng polisiya sa mga umuusbong na suliranin tulad ng unemployment insurance at ang pagtatatag ng social protection floor,” aniya.

END/letmaring/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry