Magtutulungan ang Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) at ang pribadong sektor upang palakasin ang paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng magkasamang pagbubuo ng Philippine workforce profile para sa mas epektibong job matching.

Sa isang memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan kahapon, magkasamang bubuo ng standard workforce profile ng ating bansa ang DOLE, Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Philippine Chamber of Commerce and Industries (PCCI), Servicio Filipino Inc. (SFI) Group of Companies, at Systems Technology Institute (STI).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ang kasunduan ay makakatulong sa DOLE upang makakuha ng detalyadong skills at competency profile ng mga manggagawa sa ating bansa upang makapagbigay ng naaayon at napapanahong labor market information para sa mas epektibong job at skills matching.

“Sa ilalim ng kasunduan, ang ECOP at PCCI ay tutulong at susuportahan ang mga programang pang-empleo ng DOLE tulad ng JobStart, Philippine Talent Map Initiative (PTMI), at PhilJobNet,” ani Bello.

Ang ilan sa mga mungkahing responsibilidad ay ang pagpapalaganap ng impormasyon at roll-out ng mga programa sa kanilang mga miyembro, pangagasiwa sa mga gawain ng programa, pagbibigay ng kinakailangang staff at technical support, at pagpapalaganap ng programa, partikular ang paggamit ng PhilJobNet para sa job matching at referral.

Ang SFI, sa kabilang banda, ay magbibigay ng tulong-teknikal sa DOLE, ECOP at PCCI sa pangangasiwa ng Talent Map activities; at pagsasanay sa mga itinalagang administrator, interviewer, at coach para sa Talent Mapping. Magbibigay din ito sa tatlong institusyon ng data access sa resulta ng Talent Map assessment.

Para sa kanilang bahagi, magbibigay ang DOLE sa ECOP at PCCI ng mga information material na kanilang ipamahagi, isama ang dalawang institusyon sa kanilang mailing list para sa pag-anunsiyo ng mga gawain, gumanap bilang overall coordinator ng lahat ng gawain ng PTMI, at magbigay ng slot para sa employee-member ng dalawang institutional partner.

Samantala, upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng PTMI sa lahat ng stakeholder, magtutulungan ang STI, SFI at DOLE na palakasin ang labor market information, tumulong sa pagbubuo ng curriculum, at ang paggawa ng publikasyon kung saan nakasaad ang lahat ng impormasyon para sa 21st century skill.

Ang STI ang mamimili at magrerekomenda ng respondent para sa PTMI at magtatakda ng lugar para sa assessment, coaching at encoding ng score para sa coaching sessions sa system.

Ito rin ang mamamahala sa schedule ng assessments at coaching session, magbigay ng pagkain para sa mga gaganaping gawain, at atasan ang mga estudyante na gamitin ang Alpha Testing of the World of WerQ Portal at magbigay ng feedback habang sumasailalim sa testing phase.

Ang SFI, para sa kanilang bahagi, ay magbibigay ng nararapat na tulong, isa na rito ang pagbibigay ng online system na gagamitin para sa skills assessment; at ng team na tutulong sa pagbibigay ng test at pagsasagawa ng training para sa coaching sessions.

Ang SFI ay magbibigay din ng talent score card sa lahat ng respondents; analytics mula sa analyzed/interpreted data, at access sa World of WerQ portal para sa Alpha Testing.

Sa kabilang banda, ang DOLE, maliban sa pagiging overall coordinator ng lahat ng gawain ng PTMI, ay i-eendorso ang SFI Group bilang lehitimong katuwang sa pagpapatupad ng PTMI.

Ito rin ay magbibigay sa STI ng PTMI slot na gagamitin ng kanilang sophomore at senior college student, technical-vocational student, at ng kanilang empleyado sa lahat ng kanilang 77 campus.

Ang lahat ng tungkulin na nakasaad sa kasunduan ng apat na institutional partner ay ipatutupad ng Bureau of Local Employment ng DOLE.

END/TDL/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry