Patuloy na nagsusumikap ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pangalagaan ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), kabilang na ang mga nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa sa maigting na kampanya laban sa illegal recruitment.

Nagpalabas ng pahayag si Labor Secretary Silvestre H. Bello III matapos ang isinagawang entrapment operation ng DOLE Regional Office No. 7, kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-7), na nagging dahilan upang madakip ang tatlong kawani ng isang local recruitment agency sa Cebu City.

“Pinalalakas ng DOLE at ng aming regional offices ang kampanya sa pangangalaga sa kapakanan ng mga OFW at mga Filipino na nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa. Sa ilalim ng batas, ang DOLE ay naatasang magsagawa ng inspeksiyon at beripikasyon sa iba’tibang recruitment agency na lalabag sa batas, particular ang illegal recruitment,” paliwanag ni Bello.

Sinabi ni Bello na ang mga naarestong indibidwal ay mga empleyado ng Feljobs Manpower Services na matatagpuan sa M.L. Quezon St., Pusok, Lapu-Lapu City, kung saan ang lisensiya bilang private recruitment at placement agency ay nawalan ng bias noong 2014. Gayunpaman, patuloy pa ring nagre-recruit ang nasabing ahensiya.

Sa ulat ni DOLE-7 Regional Director Exequiel R. Sarcauga, kanyang sinabi na simula Oktubre 2016 nang kanilang bantayan ang Gawain ngFeljobs. At kanilang natuklasan na ang nasabing agency ay patuloy na kumukuha ng manggagawa at nagpapalabas ng recruitment advertisement sa local na pahayagan.

Napatunayan din na humihingi ang agency ng P850.00 sa bawat aplikante bilang kabayaran sa identification card (ID) at sa pre-employment medical examination at sinasabihan na mag-hintay lamang, at walang kasiguruhan sa aplikante kung sila ay matatanggap sa trabaho o hindi.

Patuloy pa ring binabantayan ng DOLE ang apat na iba pang recruitment agency na maaaring may mga iligal na Gawain at patuloy nilang tinitingnan ang mga permit ng iba pang agency upang alamin kung ito ay nagsasagawa ng illegal recruitment.

Samantala, hinimok ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang publiko na itawag sa POEA hotline numbers 722-11-44 / 722-11-55 ang anumang iligal na gawain sa pagre-recruit at pinaalalahanan na huwag mag-apply sa mga hindi lisensiyadong recruitment agency, kabilang na ang mga taong hindi awtorisadong kinatawan ng licensed agency.

END/LuchelTaniza/PaulAng/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry