Tinukoy na ng National Maritime Polytechnic (NMP) ang mga kakulangan sa pagsasanay na nangangailangan ng agarang pansin upang linangin pa ang kasanayan ng mga maritime instructors sa mga Maritime Higher Education (MHEI) sa bansa.

 

Iniulat ito ng NMP kasunod ng resulta ng isinasagawa nitong pag-aaral katuwang ang International Mariners Management Association of Japan – Philippine-Japan Manning Consultative Council Inc. (IMMAJ-PJMCC).

 

Ang pag-aaral, na may pamagat na ‘Skills Gap Analysis of Maritime Faculty in Philippine Maritime Higher Education Institutions,’ ay tuwirang nakatuon sa kritikal na pangangailangan sa pagsasanay ng mga maritime instructor sa mga MHEI.

 

Ang nasabing pagsasaliksik ay ginawa upang makakuha ng karagdagang impormasyon sa pagsasanay at iangat pa ang pangangailangan ng mga Maritime instructor sa MHEI na siyang gagamitin para linangin ang action plan para sa National Maritime Program for Faculty Development (NMP-FD).

 

Ayon sa NMP, ang plano ay kailangan para sa kabuuang implementasyon ng 2010 Amendments to the Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) Convention, partikular ang paglinang sa mga kasanayan sa pagtuturo ng mga maritime instructor sa tulong ng modernong teknolohiya at web-based learning.

 

Ang mga nabatid na kakulangan sa kasanayan ay ibinase sa limang kategorya tulad ng paggamit ng teknolohiya, course design at development, course delivery, assessment, at participative learning.

 

Batay naman sa inisyal na resulta ng pag-aaral, ang mga miyembro ng faculty ay kinakailangan ng pagsasanay sa paggamit ng simulators kabilang ang trouble-shooting, computer proficiency, at technology-based instructions na kinapapalooban ng interactive computer-based teaching/assessment at online maritime applications na akma sa pagtuturo.

 

Kung ang course design at development naman ang pagtutuunan, ang mga instructor ay kailangan ng karagdagang atensyon para sa alignment of program outcomes, course outcomes at intended learning outcomes, development of practical/laboratory/simulation exercises at consistency of lectures and laboratory exercises to course specifications, preparasyon ng Instructor’s Guide (IG), at paglinang ng detailed teaching syllabus (DTS), at ang paglinang sa mga sitwasyon sa mga simulation exercises.

 

Sa bahagi naman ng course delivery, ang mga partikular na bahagi na nangangailangan ng paglinang ay ang  English communication, istilo sa pagtuturo, outcome-based education, teaching learning activity, lesson planning, at test construction/item analysis.

 

Sa kabilang dako, ang mga kakulangan sa kasanayan na lumabas sa ginawang assessment ay sa aspeto ng development of assessment tools at validation of assessment, at laboratory exercises.

 

Sa aspeto naman ng participative learning, ang mga maritime faculty ay nangangailangan ng karagdagang kaalaman sa innovative classroom management, motivational skills, innovative/formative assessment, blended learning at e-learning, participative learning methodologies, cultural sensitivity, English communication, at teaching methodologies na siyang akma sa outcome-based education.

 

Batay rin sa ulat, ang mga impormasyong nakalap ay mula sa serye ng Maritime Faculty Development Forum na isinagawa sa Davao, Cebu at Maynila ngayong taon na siyang nilahokan ng nasa 210 maritime instructor mula sa 61 MHEI.

 

Sa mga ginawang serye ng forum, nagkaroon ng mga workshop session na siyang nagbigay daan upang maresolba ang mga hamon, problema, at iba pang isyu na kinakaharap ng mga instructor na may kaugnayan sa maritime faculty development.

 

Samantala, ang pag-aaral ay inaasahang matatapos sa Hunyo 2017 kung saan ang mga nakalap na impormasyon ay unang ibabahagi sa IMMAJ-PJMCC at sa Board of Trustees ng NMP, at saka naman ito ipamamahagi sa mga stakeholders sa pamamagitan ng isang forum.

 

Ang NMP ay kadalasang nagsasagawa ng mga pag-aaral sa industriya upang tuparin ang kanilang layunin na linangin ang sektor at industriya ng manpower sa tulong ng pagsasagawa ng mga pag-aaral.

 

Para sa mga interesado sa mga pag-aaral ng NMP, maaaring bisitahin ang website ng ahensya sa www.nmp.gov.ph para sa mga karagdagang impormasyon at iba pang pagsasaliksik.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry