Kasado na ang mga inspeksyon sa mga kilalang food chain kasabay ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na kontraktuwalisasyon na pangunahing isinusulong ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ulat kay Undersecretary Joel Maglunsod, sinabi ni DOLE National Capital Region Director Henry John Jalbuena na inutusan na ng kanyang opisina ang Jollibee Foods Corporation (JFC) na i-regular ang 6,482 manggagawa na itinalaga ng dalawa nilang kontraktor.

Liban sa pagbibigay ng regular na estado ng trabaho sa mga manggagawa, inutusan rin ang JFC na ibalik ang mga iligal na kinolektang bayarin sa 426 na manggagawa na nagkakahalaga ng P15,432,305.00 para sa Coop Share, Coop Christmas Party Paluwagan Fund, at Coop Savings Fund.

Dagdag pa rito, 5 sa kanilang kontraktor ay inutusan ring ibalik ang mga pagbabawas sa suweldo na ipinagbabawal ng batas, mga bonds, donasyon, share at iba pang iligal na koleksyon ng salapi sa 412 na apektadong manggagawa na nagkakahalaga ng kabuuang P4,137,158.15.

Nangunguna sa listahan ng mga may pananagutang kontraktor ay ang Citiwide Basic Commodities at Manpower Services, Inc. na may kabuuang obligasyong pinansyal na P1,853,578.00 sa 40 manggagawa para sa refund ng kanilang cash bond sa pag-renta ng mga motorsiklo, at mga hindi nabayarang service incentive leave at holiday pay.

Inutusan rin ang Generation One Resource Service at Multi-Purpose Cooperative na ibalik ang share capital, cooperative share, membership fee, damayan fund, at bayaran ang mga unpaid holiday pay na para sa 287 manggagawa na may kabuuang halaga na P1,180,363.15.

Ipinababalik rin ng DOLE sa Integral Care Formation Service Cooperative ang kinolektang COOP Share at gastos sa uniporme sa 24 manggagawa na may kabuuang P440,300 habang ang kabuuang halaga na P464,012.00 naman ay inutos na ibalik ng Toptrend Service Corporation sa 47 manggagawa para sa renta ng motorsiklo.

Isinasaad rin ng compliance order na ibalik ng MetroGuards Security Agency Corporation ang mga donasyon at bayaran ang unpaid holiday pay earning ng 14 na manggagawa na nagkakahalaga ng P199,905.00.

Liban sa Jollibee, naglabas rin ng compliance order ang DOLE sa Perf Restaurant, na mas kilala bilang Burger King, at inatasan silang i-regular ang 704 manggagawa mula sa tatlong kontraktor.

Sa kabilang dako, nakatakda na ang mga susunod na inspeksyon para sa McDonalds at Kentucky Fried Chicken (KFC) Restaurant upang matiyak ang kanilang pagsunod sa labor law.

Noong nakaraang buwan ay nagsagawa ng mandatory conference ang DOLE Makati at Pasay Field Office kasama ang pamunuan ng Chowking, habang nakatakda na rin ang mga susunod na pulong ngayong buwan. Isa pang mandatory conference ang nakatakda sa pamunuan ng Mang Inasal foods na gagawin naman sa Quezon City Field Office.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry