Magkasamang ipatutupad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at ng Insurance Commission ang kampanya upang itaas ang kaalaman ng publiko ukol sa coverage at benefits ng compulsory insurance para sa mga agency-hired overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kasunduang nilagdaan nina OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac, POEA Officer-In-Charge Dominador R. Say, at Insurance Commissioner Dennis B. Funa, isasama sa Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) ang isang sub-module tungkol sa compulsory insurance benefits ng mga agency-hired overseas Filipino worker na ibinibigay ng POEA at OWWA.

“Mahalaga ang kasunduang ito dahil bahagi nito ang kampanya upang itaas ang kaalaman ng mga OFW. Marami pa rin ang hind nakakabatid na may umiiral na insurance package o benefits para sa mga overseas workers, lalo na iyong mga bagong-pasok na OFW. Kaya nagsama ang POEA, OWWA at Insurance Commission upang magsagawa ng malawakang kampanya ukol dito,” ani OWWA Administrator Cacdac.

Nakasaad sa Compulsory Insurance Coverage for Agency-Hired Workers na sakop sa compulsory insurance policy ang bawat migranteng manggagawa na idineploy ng recruitment o manning agency ng walang gastos sa nasabing manggagawa.

Ito ay batay sa Section 37–A of RA No. 8042, na inamyendahan ng RA No. 10022, o kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.

Magkakaroon ng bisa ang insurance policy habang may kontrata ang migranteng manggagawa at sakop nito ang accidental death, natural death, permanent total disablement, repatriation cost, subsistence allowance, money claims, compassionate visit, medical evacuation, at medical repatriation.

Ang lahat ng impormasyon ukol sa nasabing compulsory insurance ay isasama sa PEOS at PDOS.

Sumasailalim sa PEOS ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng impormasyon ukol sa maganda at hindi magandang maidudulot ng pagtatrabaho sa ibang bansa; mga patakaran, legal na pamamaraan, at mga dokumentong kakailanganin para makapagtrabaho sa ibang bansa; mga oportunidad sa trabaho na maaaring nilang pasukan, at mga ipinagbabawal na trabaho; mga paraan upang makaiwas sa illegal recruitment; mga paalala at babala sa mga OFW; mga usaping pangkalusugan at seguridad; at mga serbisyo ng pamahalaan na maaaring matanggap ng mga aplikante o nagtatrabaho na sa ibang bansa.

Sa kabilang banda, ang PDOS ay ibinibigay sa mga OFW bago sila umalis at nilalayon itong ihanda ang OFW sa uri ng pamumuhay at trabaho sa bansang kanilang pupuntahan; impormasyon sa kanilang karapatan at responsibilidad; at impormasyon na kanilang kailangan sa kanilang pag-biyahe, at ang kailangang paghahanda sa kanilang trabaho at sa bansang pupuntahan.

Nilagdaan ang kasunduan kasabay ng paggunita sa ika-68 anibersaryo ng Insurance Commission sa Insurance Commission Grounds, UN Avenue, Manila.

END/ALDM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry