Ipinasara at ipinatigil na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang operasyon ng isang illegal recruitment agency sa lungsod ng Las Piñas kasunod ng serye ng surveillance at reklamo mula sa mga nabiktima nito, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Sinabi niya na ang agency na Lapcon Human Resources Services ay iniimbestigahan ng Anti-Illegal Recruitment branch ng POEA makaraang makatanggap ng samut-saring reklamo sa mga nabiktima nitong Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa.

Nagsanib puwersa ang mga tauhan ng POEA at Las Piñas City Police upang ipasara at mai-padlock ang Lapcon matapos na mapatunayang nag-ooperate ng walang kaukulang lisensya o authority to recruit and deploy overseas Filipino workers.

Iniutos ng POEA ang nasabing closure order kay Analili Delfino, may-ari ng Lapcon Human Resources Services na matatagpuan sa Atis St., Verdant Subdivision, Las Piñas City.

Sinasabing nangangako ang Lapcon Human Resources Services sa mga aplikante ng mabilisang trabaho bilang mga tauhan sa farm at supermarket sa Ireland at United Kingdom, at factory worker sa Korea na gamit lamang ay tourist visa.

Nangongolekta rin umano ang agency ng Php150,000.00 kada aplikante para mai-proseso ang kanilang mga dokumento.

Bunsod nito, inatasan na ni Bello ang POEA na madaliin ang pagsasampa ng kaukulang kaso ng illegal recruitment laban kay Delfino. Dagdag pa niya, isasama na rin si Delfino maging ang kanyang mga tauhan sa recruitment agency sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record.”

Dahil dito, hindi na sila maaaring makasama sa mga programa ng gobyerno para sa overseas recruitment.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8042, at naamyendahan ng Republic Act No. 10022, ang anumang uri ng pagkuha o pagtanggap ng manggagawang Pilipino na walang kaukulang lisensya o authority mula sa POEA, ay isang halimbawa ng illegal recruitment at mahigpit na ipinagbabawal ng batas.

#celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
11