Maayos na tumugon ang Hotline 1349 ng Department of Labor and Employment sa tinatayang nasa 100,000 katanungan na may kaugnayan sa paggawa mula ng inilunsad ito walong buwan na ang nakararaan.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, karamihan ng mga natanggap na tawag ay may kaugnayan sa proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa at mga ukol sa termino at kondisyon sa kanilang trabaho.

 

“Karamihan ng mga tawag na natanggap ay may kaugnayan sa seguridad at kapakanan ng mga manggagawa kung saan agad naman natin itong tinugunan,” ayon kay Bello.

 

Isyu rin kaugnay sa social protection ang isa sa nangungunang bilang ng mga tawag na may kabuuang 72,703, kung saan karamihan sa bilang na ito ay mga tanong sa computations ng night shift differential na may 23,627 na tawag at 13th month pay na may 12,828 na tawag.
Sa mga katanungan naman sa labor standards, tumugon ang hotline sa 13,612 na tawag, kung saan 6,506 rito ay may kaugnayan sa pagpaparehistro ng establisimento habang 4,274 na tawag naman ay ukol sa compliance certificate ng mga establisimento para sa labor relations.
Ang DOLE Hotline 1349 rin ay nagbigay serbisyo sa 5,623 na tawag para sa labor relations, 3,318 rito ay kaugnay sa Single Entry Approach (SEnA) mechanism ng DOLE; 1,738 naman ay ukol sa grievance settlement/voluntary arbitration; at 567 na tawag ay para sa hindi paghuhulog ng kontribusyon sa SSS, Pag-Ibig, at Philhealth.

 

Sa mga tanong naman sa trabaho, nakapagbigay ng impormasyon ang hotline sa 7,125 na tawag na kinabibilangan ng mga katanungan sa employment facilitation na may 4,680 na tawag; aplikasyon sa trabaho na may 1,878 na tawag; at programa para sa paglinang ng kasanayan na may 567 na tawag.

 

“Sa kabuuan, ang Call Center ng DOLE ay nakatanggap ng 7,123 na tawag at 12,383 na katanungan sa isang buwan kung saan karamihan sa mga ito ay agad ring binigyang pansin sa pamamagitan ng maayos na payo ng aming mga action officers sa DOLE Hotline,” dagdag pa ni Bello.

 

Ang Hotline 1349 ng DOLE, na inilunsad noong Setyembre 2016 ay ang tugon ng kagawaran ng paggawa sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilapit ang serbisyo at programa sa mga Pilipino higit lalo sa mga tanong na may kaugnayan sa paggawa at trabaho.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry