Pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment-National Conciliation and Mediation Board ang paglagda sa kasunduan upang maisaayos ang notice of strike (NOS) na inihain ng Kasapian Ng Malayang Manggagawa Sa Coca-Cola laban sa Coca-Cola FEMSA-Meycauayan plant.

 

“Para sa katiwayasan sa industriya, pinangasiwaan ng DOLE ang pagsasaayos ng kasunduan sa pagitan ng Coca Cola FEMSA management at ng kanilang unyon, ang KASAMA-CCO-FCCI,” ani Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

 

Batay sa ulat ni DOLE Undersecretary Joel B. Maglunsod, na siyang namumuno sa conciliation-mediation ng Department, sinabi ni Bello na sumang-ayon ang unyon na itigil ang welga at muling simulan ang negosasyon sa management.

 

Ayon kay Maglunsod, nagkasundo ang Coca Cola FEMSA–Meycauayan at ang unyon nito na muling simulan ang negosasyon para sa economic provision ng kanilang collective bargaining agreement (CBA).

 

Tinanggap ng parehong partido na kailangan nilang itama ang saklaw ng kanilang bargaining unit para sa negosasyon ng kanilang CBA sa 2019 batay sa kanilang registration, tulad ng mga arawang empleyado na dapat ay kasapi sa bargaining unit ng KASAMMA-CCO-FCCU samantalang ang buwanang empleyado na dapat ay kasapi sa bargaining unit ng NLU.

 

Nararapat ding tumigil ang Coca Cola FEMSA at ang KASAMMA-CCO-FCCU na magsagawa ng retaliatory action dahil sa paghahain ng notice of strike at ang pagsasagawa nito.

 

Sa kabilang banda, dapat namang resolbahin ng DOLE ang membership ng siyam na manggagawa ng Malabon Distribution Center sa/o bago ang Marso 3, 2017.

 

Ang Coca Cola FEMSA Phils, Inc. (CCFPI) Meycauayan Plant ay matatagpuan sa Muralla Industrial Park, Brgy. Perez, Meycauayan, Bulacan. Ito ay gumagawa ng mga inumin at may mahigit na 4,000 empleyado. Pinamumunuan ni Fabricio Ponce, isang Mexican national, ang Coca Cola FEMSA. Ang kompanya ay kinatawan nina Atty. Allan Dale Mariazeta at Ms. Bella Prez, legal counsel at Sr. HR Executive, ayon sa pagkakasunod.

 

Ang KASAMMA Coca-Cola ang sole and exclusive bargaining agent ng 214 arawang sahod na manggagawa ng kompanya. Ito ay pinamumunuan ni Mr. Rommel Padua, ang presidente ng unyon.

 

Batay sa ulat ni Maglunsod, naghain ng Notice of Strike ang KASAMMA-CCO dahil sa hindi pantay na pagtrato sa paggawa, partikular ang paglabag sa probisyon ng CBA sa scope of the bargaining unit; at bargaining deadlock sa scope of the bargaining unit.

 

Sa inisyal na pagpupulong noong Oktubre 7, 2016, parehong naging matatag ang mga partido sa kani-kanilang posisyon sa deadlock issue sa scope of the bargaining unit. Nais isama ng unyon sa scope of the bargaining unit ang lahat ng arawang manggagawa sa mga distribution center sa Roosevelt, Lagro, Malabon, Paranaque, Bicutan, at Meycauyan. Nais naman ng management na magkaroon ng status quo sa scope of the bargaining unit habang ang kaso sa PCE na inihain ng PTGWO ay naka-pending pa sa Court of Appeals.

 

Napatunayan din na habang ginaganap ang negosasyon ng CBA sa plant level, iminungkahi din ng unyon na ang isyu sa scope of the bargaining unit ay dapat munang maresolbahan bago talakayin ang economic provision ng CBA para sa taong 2016-2019. Matapos ang tatlong pagpupulong sa negosasyon ng CBA sa scope of the bargaining unit, nagdeklara ng deadlock ang unyon.

 

Sinabi din ng unyon na lumabag diumano sa pantay na pagtrato sa paggawa ang management ng Coca Cola FEMSA ng sila ay pumayag na maging miyembro ang arawang empleyado sa mga distribution center sa Lagro, Roosevelt, Bicutan, at Meycauyan sa scope ng bargaining unit ng buwanang empleyado ng unyon.

 

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry