Positibo si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na sa pamamagitan ng dayalogo ay mareresolba ng grupo ng mga manggagawa at kumpanya ang mga problema at hindi pagkakasundo sa mga probisyong nakasaad sa draft ng department order sa isyu ng kontraktuwalisasyon.

 

“Sinabi ko sa grupo ng mga manggagawa at mga kumpanya na maging bukas sa malayang pag-uusap. Magpupulong sila ngayong araw para sa isang dayalogo upang maresolba ang hindi pagkakaunawaan sa mga probisyon sa draft ng department order,” wika ni Bello.

 

Noong Martes, humingi ng pahintulot at dagdag na panahon ang magkabilang panig na pansamantalang iantala ang pagpirma sa department order upang makapag-usap pa ang mga manggagawa at pamunuan ng mga kumpanya ukol sa ibang probisyon sa panukalang D.O.

 

Binigyan rin ni Bello ang magkabilang panig ng apat na araw upang magkaroon ng konsultasyon at bumuo ng rekomendasyon sa mga probisyon na hindi sinasang-ayunan ng dalawang grupo.

 

“Handa akong making sa kanilang mga panukala at handa rin akong maghintay ng apat na araw upang makapag-usap ang grupo ng mga manggagawa at mga kumpanya at magkaroon sila ng rekomendasyon at kasunduan sa mga probisyon na hindi katanggap-tanggap sa kanila,” paliwanag pa ng kalihim.

 

Base sa napagkasunduan sa ginanap na pulong ng National Tripartite Industrial Peace Council, ang grupo ng mga manggagawa ay magbibigay ng negatibong listahan o mga probisyon na hindi nila sinasang-ayunan. Ang nasabing listahan ang magiging simula ng dayalogo sa pagitan ng dalawang panig.

 

“Baka magkaroon ng magandang pangyayari, ma-break ang deadlock,” dagdag pa ni Bello na inatasan na rin ang Bureau of Labor Relations (BLR) na pangasiwaan ang dayalogo.

 

###celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry