Inaasahan na si Presidente Rodrigo R. Duterte ang magiging daan upang magkasundo ang magkaibang posisyon ng manggagawa at employer ukol sa kontraktuwalisasyon sa gaganaping pagpupulong ng Presidente kasama ang mga lider ng organisadong manggagawa sa susunod na linggo, pahayag kahapon ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga lider ng labor councils, organizations, at federations, sinabi ni Maglunsod na nakatakdang makipagpulong si Presidente Duterte sa mga lider ng manggagawa sa Pebrero 27 sa Malakanyang upang ayusin ang mga isyu ukol sa kontraktuwalisasyon.

Sa nasabing pag-uusap, hiniling ni Maglunsod sa mga grupo ng manggagawa na pagsamahin ang kanilang posisyon at rekomendasyon batay sa ginanap na Labor Summit noong Oktubre 2016.

“Nasa kamay na ngayon ito ng organisadong manggagawa. Kailangan kayong maghanda ng iisang posisyon lamang, upang mabatid ng Presidente na nagkakaisa ang mga grupo ng manggagawa sa kanilang rekomendasyon,” ani Maglunsod.

Ayon kay Maglunsod, na siya ring DOLE Undersecretary for Labor Relations, magpupulong ang grupo ng manggagawa sa Pebrero 22, Miyerkules, upang pag-isahin at gawing pinal ang isyu at rekomendasyon na kanilang ihahain kay Presidente Duterte.

Maliban sa pangunahing usapin sa kontraktuwalisasyon, nilalayon din ng mga grupo ng manggagawa na kausapin ang Presidente tungkol sa pagsasara ng 23 kompanya ng minahan; national minimum wage; representasyon ng mga grupo ng manggagawa sa tripartite bodies; at ang pagpapatibay ng ILO Convention 151, o ang Labor Relations (Public Service) Convention.

Ang grupo ng manggagawa na dumalo sa dayalogo ay ang mga kinatawan ng Kilusang Mayo Uno, NCL-Nagkaisa, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), PALEA-TUCP, Philippine Trade and General Workers’ Organization (PTGWO), Federation of Free Workers, Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK), National Congress of Unions in the Sugar Industry of the Philippines, Progresibong Mangagawa-NAGKAKAISA, Alliance of Workers in Informal Economy, TUCP-Obrero, National Labor Union, Lakas Mangagagwa Labor Center, DAWN-TUCP, Philippine Association of Free Labor Union, Association of Genuine Labor Organizations, National Union of Bank Employees, at National Federation of Labor Unions.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry