Iniutos na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang pansamantalang pagsuspinde sa pagpapalabas ng Overseas Employment Certificate (OEC) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na humihingi ng pahintulot sa exemption para sa ban sa direct hire.

 

Inilabas ni Bello ang kautusan matapos na makatanggap ng mga ulat hinggil sa ibang empleyado ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na umanoy nanghihingi ng kabayaran sa mga OFWs kapalit ng pagpoproseso ng kanilang mga exemption para sa umiiral na ban sa direct hire.

 

“Mahigpit na naming ipatutupad ang ban sa direct hire. Wala ng exemption ang ipalalabas simula ngayong araw matapos kaming makatanggap ng impormasyon hinggil sa anomalya at iligal na pangingikil na nagaganap sa loob ng ahensya,” galit na sinabi ni Bello.

 

Batay sa Administrative Order No. 155, series of 2017 na kanyang pinirmahan nitong Martes, sinabi ni Bello na hindi na muna magpoproseso at magpapalabas ng OEC para sa lahat ng direct hire na OFW hanggang wala pang kautusan na nagpapawalang bisa rito. Lahat ng mga pending na aplikasyon para sa OEC sa mga direct hire kasunod ng paglalabas ng kautusan ay sakop ng nasabing suspensyon, dagdag pa niya.

 

Sinabi naman ni Labor Undersecretary Dominador Say, na tumatayo rin bilang OIC Administrator ng POEA, na mula noong umupo siya sa puwesto noong nakaraang taon ay nakatatanggap na siya ng impormasyon kaugnay ng nagaganap na fixing at iligal na pangingikil sa isang dibisyon sa POEA.

 

“Mayroong umiiral na panuntunan hinggil sa direct hire na OFWs. Kahit na mayroon pang exemption, ito ay mahigpit na limitado lamang sa iilang kadahilanan. Matapos kong mabatid ang mga anomalya sa ahensya, agad akong nag-ulat sa ating kalihim, at mula noon ay mahigpit na nating sinusuri ang mga natatanggap na aplikasyon,” ayon kay Say.

 

Sinabi pa niya na may mga fixer sa isang dibisyon sa POEA at ang mga ito ay nangingikil ng tinatayang nasa P15,000 hanggang P17,000 bawat aplikante upang maiproseso ang kanilang dokumento para sa exemption.

 

“Nagpatupad na rin tayo ng rigodon sa mga direktor ng ahensya at patuloy pa tayong maglilipatan ng mga puwesto sa ranggo naman ng mga hepe ng mga dibisyon,” dagdag pa ni Say.

 

Ang OIC rin ng POEA ang siyang mamumuno sa grupo na mag-iimbestiga ng anomalya sa ahensya at kanila ring titingnan ang mga proseso at pagsala na ginagawa sa mga aplikasyon sa OEC upang matiyak na walang magaganap na korapsyon rito at hindi malalantad sa iligal na aktibidad ang mga OFW.

 

“Dapat nang matigil ang korapsyong ito. Nais nating matiyak na ang ating mga manggagawa ay protektado sa oras na sila ay umalis ng bansa. Dapat rin nating iiwas sila na maging biktima ng ganitong iligal na aktibidad,” giit pa ni Say.

 

Batay sa 2016 Revised Rules and Regulations on the Recruitment and Deployment of OFWs of the POEA, binabanggit ng Section 123 na ‘Walang employer ang direktang tatanggap ng mga overseas Filipino worker para sa trabaho sa ibang bansa.’

 

Gayunman, isinasaad sa Section 124 na exempted sa nasabing ban ang mga employers na kamag-anak ng tatangaping OFW, miyembro ng diplomatic corps; organisasyon sa ibang bansa; namumuno ng mga bansa at opisyal ng pamahalaan na may katayuan mula deputy minister; at iba pang employer na pinahihintulutan ng kalihim.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry