Maglalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order na magpapalawig sa pagbabawal ng labor contracting sa mga industriya at kumpanya sa buong bansa, ayon sa anunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sa isang breakfast forum sa Quezon City, sinabi ni Bello na pipirmahan na ng Pangulo ang EO anumang oras.

“Hinihintay lamang namin ang pulong ng labor sector at ng Pangulo anumang araw ngayon hanggang sa susunod na linggo. Sa gaganaping pulong, inaasahang pipirmahan ng Pangulo ang Executive Order na tutugon sa isyu ng kontraktuwalisasyon,” ayon kay Bello sa ginanap na Pandesal Forum na pinangunahan ng kolumnistang si Wilson Lee Flores.

Dinagdag pa ni Bello na ang EO, na ginawa ng mga labor group, “ay sinang-ayunan ng management group, kaya, maganda ito.”

Sa nasabing talakayan, sinabi ni Bello na ang labor department ay target na gawing regular ang nasa 300,000 kontraktuwal na manggagawa ngayong taon.

Para maabot ang target na ito, at mapabilis ang pag-regular ng mga manggagawa, sinabi pa niya na “inatasan ko na ang aming Undersecretary para sa Labor Relations na magbaba ng kautusan sa lahat ng regional offices upang makuha sa mga kumpanya sa buong bansa ang listahan ng mga empleyado at mga responsibilidad nila sa trabaho. Dapat ring magsumite sila ng programa nila para sa regularisasyon.”

“Sa pamamagitan ng pinaigting na inspeksyon at voluntary regularization ng mga nakikiisang establisimento, umaasa tayong mas maraming manggagawa ang magkakaroon ng regular na trabaho. Ito rin ang nais ni Pangulong Duterte kaya naman patuloy tayo sa kampanyang ito na maitigil ang hindi tamang gawaing ito,” paliwanag pa ni Bello.

Sa ngayon, mayroong 541 Labor Laws Compliance Officers (LLCOs) ang nagsasagawa ng assessment at inspeksyon sa nasa 937,554 small, medium at malalaking kumpanya sa buong bansa. Dagdag pa rito ang 55 social partner na kinabibilangan ng 45 labor groups, limang employers’ group, at lima pang ibang organisasyon na sinanay para sa kaalaman sa Labor Laws at Social Legislation.

END/aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry