Unti-unti nang napagtatagumpayan ng pamahalaan na mawakasan ang endo at iligal na kontraktuwalisasyon, pahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III.

“Hindi kami nawawala sa layunin namin na wakasan ang ‘endo’ at iba pang uri ng iligal na kasunduan sa kontrata,” aniya.

Sinabi ni Bello na may 32,437 manggagawa na ngayon ang may seguridad sa trabaho matapos na sila ay gawing regular na empleyado ng kanilang employer at contractor.

Sa bilang na ito, 28,772 manggagawa ang naging regular matapos magsagawa ng 186 consultation at meeting sa 9,100 establisyamento, employer at contractor.

May 3,665 manggagawa ang naging regular matapos sumailalim sa inspeksiyon ng DOLE Regional Office ang 17,147 establisyamento at contractor.

Kabilang sa mga prayoridad na industriya ang mga kompanyang ginawang regular ang kanilang mga manggagawa. Ang mga ito ay ang SM, na ginawang regular ang 4,796 manggagawa; 7-Eleven, na ginawang regular ang 800 manggagawa, at Rustan’s na ginawang regular ang kanilang 1,200 empleyado.

Bagama’t may ilang kompanya na nagboluntaryong gawing regular ang kanilang manggagawa, pitong manpower agencies naman sa Luzon ang unang nakatanggap ng cease-and-desist order (CDO) mula sa Kagawaran. Kabilang sa mga ahensiyang binigyan ng CDO ang Global Skills Multi-Purpose Cooperative, HD Manpower Services Cooperative, Worktrusted Manpower Cooperative, Excellent Multi-Purpose Cooperative, and DCMM Manpower Services sa Calabarzon; JD Manpower Services sa Metro Manila; at Abelline Human Resources Services sa Central Luzon.

Bagama’t inatasan ang mga DOLE Regional Office na isuspinde ang pagbibigay ng Certificates of Registration sa mga establisyamentong nakitaan ng paglabag sa batas sa seguridad sa trabaho, tiniyak ni Bello na ang layunin ng pamahalaan na wakasan lahat ng iligal na uri ng kasunduan sa pangongontrata ay hindi mangangahulugan ng kawalan ng trabaho na siyang pinangangambahan ng ilang sektor.

Idinagdag ni Bello na may 1,123 manggagawang nawalan ng trabaho sa industriya ng mina ang nabigyan ng kabuuang P3,200,550 tulong sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) ng Kagawaran.

“Ito ay pansamantalang trabaho lamang sa mga natanggal na manggagawa na naapektuhan ng aming kampanya na wakasan ang ‘endo’. Bibigyan din namin sila ng tulong-pangkabuhayan o karagdagang pagsasanay,” ani Bello.

Sa 1,123 manggagawa, 787 manggagawa ang mula sa Berong Nickel Corp ang nabigyan ng emergency employment na nagkakahalaga ng P2,242,950 samantalang 266 manggagawa mula sa CitiNickel Mines Development Corporation ang nabigyan ng P758,100 tulong. Nakatanggap din mula sa nasabing kompanya ang 24 manggagawa ng P708,371.76 bilang separation pay.

Ang contractor ng nasabing kompanya, Batarasa Consolidated Incorporated ay iniulat na ang 70 manggagawa na nawalan ng trabaho ay nakatanggap ng tulong na P199,500.00

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
21