Iniutos ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa DOLE Regional Office sa Rehiyon 13 na madaliin ang profiling ng mga manggagawa na apektado at nawalan ng kabuhayan kasunod ng pagtama ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte.

“Layunin namin rito na makapagbigay ng mabilisang tulong pangkabuhayan para sa mga manggagawang apektado ng lindol. Nais rin ng ahensya na makatulong sila sa rehabilitasyon at paglilinis ng kanilang mga komunidad,” wika ni Bello.

Sinabi rin niya na ang emergency employment ay unang matatanggap ng 852 manggagawa na apektado ng lindol sa Surigao City noong Pebrero 10.

Binanggit rin ni Bello ang ulat mula kay DOLE Regional Director Evelyn Ramos na nagsasaad na nagmula ang 852 manggagawa sa 9 na establisimento na naunang pansamantalang pinatigil ang operasyon ng lokal na pamahalaan ng Surigao dahil sa matinding pinsala na tinamo ng mga gusaling ito.

“Inabisuhan na rin ako na ang mga establisimento ay pansamantalang isinara dahil ang mga gusali ay matinding napinsala na maaaring makapagdulot ng peligro sa mga manggagawa. Nagsagawa na rin ang regional office ng on-site visit at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng mga establisimento,” paliwanag pa ni Bello.

Ang profiling ng mga apektadong manggagawa ay isang standard operating procedure ng DOLE matapos ang isang kalamidad sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at ng Public Employment Service Office (PESO) sa mga rehiyon.

“Inatasan ko na ang DOLE Regional Office na madaliin ang profiling upang agad na ipatupad ang emergency employment program at iba pang tulong na maaaring ibigay ng DOLE kabilang ang tulong pangkabuhayan. Naatasan na rin sila na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang makapagplano ng gagawing aksyon at tulong na magbibigay ng trabaho sa mga apektadong residente,” dagdag pa ng kalihim.

Ang emergency employment program ay tinutustusan mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, o TUPAD, na isang support program ng DOLE na nagbibigay ng short-term at mabilisang trabaho para sa mga nabiktima ng kalamidad sa bansa.

#celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry