Hinihikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa na isumbong ang mga employer na hindi sumusunod sa tamang labor standards kasabay na rin ng mahigpit nitong pagpapatupad ng bagong kautusan laban sa labor-only contracting at iba pang iligal na pangongontrata.

 

“Sama sama dapat tayong lumaban para sa ating karapatan. Tulungan ninyo ang kagawaran ng paggawa sa kampanya nito laban sa kontraktuwalisasyon at sa patuloy na pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa bilang aming mga mata at tenga sa mga employer na hindi sumusunod sa bagong labor standards,” wika ni Undersecretary Joel Maglunsod sa Solidarity of Cavite Workers Forum sa Rosario, Cavite nitong nakaraang linggo.

 

Ayon sa opisyal ng DOLE, bumuo na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng working group na siyang mangangasiwa sa mga inspection team habang ang grupo ng mga manggagawa ay maaaring ma-deputize upang masiguro na lahat ng mga establisimiento at kumpanya sa buong bansa ay susunod sa bagong lagdang kautusan.

 

“Dito sa Cavite, ang minimum wage ay nasa P360 piso. Hindi nito kayang tugunan ang pang-araw araw na pangangailangan sa tirahan at pagkain ng isang pamilya. Gayunman, sa kabila ng sitwasyong ito, marami pa ring employer ang hindi nagbibigay ng tamang pasuweldo at benepisyo sa kanilang mga manggagawa. Hindi ito katanggap tanggap. Manindigan kayo at agad na isumbong sa aming mga DOLE office ang mga paglabag na ito,” sinabi pa ni Maglunsod.

 

Iginiit rin niya na ang mga manggagawa na nakararanas ng pang-aabuso at sapilitang pinapapayag sa mga iligal na kontrata sa trabaho tulad ng pagpilit sa pumirma sa malabo, blangko, may kondisyon, at iba pang iligal na kontrata at waiver ay dapat na agad magsumbong sa DOLE Hotline 1349.

 

Sinabi naman ni BWC Director Dr. Teresita Cucueco na ang working group ay kasalukuyan ng sinisilip at nirerebisa ang mga panuntunan sa pagpapatupad at pagsasagawa ng mga inspeksyon sa iba’t ibang mga establisimiento.

 

“Patuloy na inaayos ng DOLE ang mga panuntunan sa pagsasagawa ng mga inspeksyon. Ang mga batas rin sa safety at health standards ay luma na kaya ngayon ay ginagawa namin ang aming makakaya upang linawin at dagdagan ang mga probisyon upang matiyak ang kaligtasan at hanapbuhay ng mga manggagawa,” ayon kay Cucueco.

 

Binanggit rin niya ang mahigpit na pagkakaroon ng mga safety officer sa mga kumpanya na siyang may kaalaman sa OSH at laging handa sa anumang panganib at sakuna sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
591