Upang mabigyan ng pantay na pagtrato at oportunidad ang lahat sa trabaho ay naglabas na si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III ng implementing rules o mga patakaran kaugnay sa anti-age discrimination law.

“Ang mga probisyon sa kautusang ito ay sumasaklaw sa lahat ng empleyado, publisher, kontraktor at sub-kontraktor, at mga labor organization, rehistrado man o hindi,” ayon kay Bello matapos na lagdaan ang Department Order No. 170, o ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10911.

Sa ilalim ng batas, mahigpit na pinagbabawalan ang mga employer na maglathala o maglabas sa iba’t ibang uri ng media, kabilang ang sa internet, at iba pang anunsyo na may kaugnayan sa paghahanap ng empleyado na nagsasaad ng kinakailangang limitasyon, espesipikasyon, at diskriminasyon sa edad.

Pinagbabawalan rin ang mga employer na magtakda ng deklarasyon sa edad o araw ng kapanganakan sa proseso ng aplikasyon; at tanggihan ang anumang aplikasyon sa trabaho dahil lamang sa edad; o ang diskriminasyon sa isang manggagawa kaugnay sa kompensasyon, kondisyon o pribilehiyo sa trabaho nang dahil lamang sa kanilang edad.

Dagdag pa rito, ipinagbabawal rin sa mga employer na tanggihan ang isang empleyado maging ang promosyon nito o oportunidad sa training dahil sa edad nito; tahasang tanggalin ang isang empleyado o manggagawa dahil sa katandaan; o magpataw ng maagang pagreretiro dahil sa nasabing isyu.

Para naman sa mga kontraktor at subkontraktor, ipinagbabawal sa kanila na tanggihan ang mga aplikante at magpataw ng diskriminasyon sa anumang tao dahil sa edad nito.

Ipinagbabawal naman sa mga labor organization, na tanggihan ang pagiging miyembro; o alisin sa pagiging miyembro; o magbigay ng dahilan sa mga employer upang makapagpakita ng anumang uri ng diskriminasyon na nababatay sa edad ng isang indibidwal.

Gayunman, sa kabila ng pagbabawal ng RA 10911 ng diskriminasyon sa trabaho dahil sa edad ng manggagawa, hindi naman kasama rito ang ibang sitwasyon kung saan lubhang kinakailangan ang limitasyon sa edad para sa trabahong papasukan.

Anumang paglabag sa RA 10911 ay maaaring mapatawan ng multang hindi bababa sa P50,000 at hindi lalagpas ng P500,000, o pagkakakulong ng hindi bababa sa tatlong buwan o hindi hihigit sa dalawang taon, o pareho na batay sa desisyon ng korte.

Ang IRR na nilagdaan ni Bello noong Pebrero 2 ay magkakaroon ng bisa sa loob ng 15 araw matapos ang pagkakalathala nito sa mga pahayagan sa bansa.

#aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1