Magiging daan ang makabagong teknolohiya para sa mas mabilis at maayos na pangangasiwa ng mga kaso sa paggawa ng National Labor Relations Commission (NLRC), pahayag ng ahensiya nitong linggo.

Ayon sa NLRC, nagtulungan sila ng Asiagate Networks, Inc. para makabuo ng komprehensibong sistema sa paghahain ng Request for Assistance (RFAs) at pagsubaybay sa mga kaso na ipatutupad ang desisyon o pagbibigay ng resolusyon sa mga di-pagkakaunawaan sa paggawa.

Sa pamamagitan ng sistema, maaaring maghain ng personal o online RFA at reklamo ang manggagawa at employer at subaybayan ang istado ng pagpapatupad ng desisyon o paggawad ng desisyon. Madali ring masusubaybayan ang mga dokumento sa mga pagkakataon na ito ay nasa archives at/o para sa disposal.

Sinabi ni NLRC Chairman Gerardo C. Nograles na nilalayon ng bagong sistema na makapag-bigay ang Komisyon ng mabilis at maayos na serbisyo sa publiko.

“Ang aming layunin ay mas lalong ilapit ang NLRC sa taong-bayan,” ani Nograles.

Dadalhin ng NLRC ang kanilang proyekto sa Regional at Sub-Regional Arbitration Branches at Commission Proper (Luzon, Visayas, at Mindanao Division) para mapakinabangan ng buong bansa.

Sa bagong sistema, palalakasin, pagbubutihin at pagsasamahin ang kasalukuyang Case Tracking System at iba pang sistema, upang makapag-bigay ang NLRC nang mas maayos at malinaw na takbo ng mga kaso sa paggawa.

Maglalagay din sila ng komprehensibo at kumpletong online system para sa pag-monitor ng pagpapatupad ng kaso kabilang ang case profile at case statistics.

Magkakaroon din ang Regional Arbitration Branches ng komprehensibong database ng lahat ng kasong inihain sa Single-Entry Approach (SEnA) para sa compulsory arbitration ng mga orihinal na kaso, gayundin sa Commission Proper. Ito ang tutugon sa pag-resolba ng mga inapilang kaso, pagpapatupad ng pinal na desisyon, at archive at disposal ng mga case record, at may kakayahan din ang bagong sistema na muling makakuha ng mga impormasyong may kaugnayan sa kaso.

Inaasahan na sa e-Case Tracking System mas mapapabilis ang pag-resolba ng mga kaso at ang mahigpit na pagsunod sa itinakdang panahon sa pangangasiwa ng kaso, mula sa paghahain hanggang sa pagpapasiya, pagpapatupad ng desisyon, hanggang sa pagtatago ng dokumento.

Sa kabuuan, ang bagong sistema ay nakatakdang magbigay ng automated tracking system ng lahat ng kaso mula sa paghahain hanggang sa pagpapatupad, kasama ang aktuwal na istado ng kaso, kung saan maaaring malaman ng publko ang istado ng kaso at ang istado ng pagpapatupad.

END/NLRC/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3