Ipinahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo na tinitingnan ng pamahalaan ang Russia bilang bagong destinasyon ng mga manggagawang Filipino.

 

Sinabi ni Bello na tatalakayin ni Presidente Duterte ang relasyong-paggawa sa pagbisita ng Presidente kay Presidente Vladimir Putin ng Russia sa susunod na taon.

 

“Nagpadala na ako ng liham sa Presidente at hinihiling namin na isama sa pagpupulong ang posibleng pagde-deploy ng mga manggagawang Filipino sa Rusia,” ani Bello.

Kanya ring sinabi na mayroon ngayong pangangailangan ang Russia para sa mga manggagawa sa konstruksiyon at mga kasambahay.

Sinabi ni Bello na sa pagbaba ng presyo ng krudo sa Middle East, bumaba rin ang oportunidad sa trabaho sa nasabing lugar at ang Russia ay isang magandang alternatibo para sa mga manggagawang propesyonal na naghahanap ng mas mataas na sahod.

 

“Aming napansin na may pagbaba sa pangangailangan ng manggagawang Filipino sa Middle East. Kailangan nating humanap ng ibang bansa na may pangangailangan sa manggagawang Filipino,” dagdag niya.

 

Naitala noong 2014 na tinatayang may 4,000 manggagawang Filipino ang nasa Russia at nagtatrabaho sa konstruksiyon, hotel, at kabahayan.

 

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry