Mga trabahong lokal ang iaalok sa mga Filipinong nagtatrabaho sa Middle East sa pinaplano ng labor department na job fair sa Qatar at Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ngayong taon.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na mga trabaho sa Pilipinas ang iaalok sa gagawing job fair.

“Kabaliktaran ito. Magsasagawa kami ng job fair sa Qatar at Saudi para sa mga bakanteng trabaho dito sa ating bansa,” ani Bello.

Tinatayang may 18,000 lokal na trabaho ang maaaring ialok sa pinaplanong job fair, lahat ng ito ay kinakailangan sa mga kompanya ng dating senador at negosyante na si Manuel Villar.

“Bago natin isagawa ang job fairs ay magsasagawa muna tayo ng profiling ng ating mga overseas workers sa Middle East at aalamin sa dating Senator Villar kung ano yung mga kailangan nilang trabahante,” ani Bello.

Sinabi ni labor chief na ang karamihan sa bakanteng trabaho na iaalok ay para sa mga skilled worker dahil ang negosyo ng dating senador ay real estate development.

“Palagay ko mga manggagawa sa construction industry. Mga karpintero, mason, welders, tubero, electrician,” aniya.

Maliban sa mga bakanteng ito, ang Education Department ay may 2,000 teaching positions.

Samantala, iniuat ng DOLE-National Reintegration Center for OFWs (NRCO) na may 1,000 dating overseas worker ang malapit nang magtrabaho bilang teacher sa pampublikong paaralan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa ulat kay Bello, sinabi ng NRCO na kaaya-aya ang bilang ng returning OFW na nagtratrabaho na sa pampublikong paaralan, simula nang ilunsad ang programang “Sa Pinas Ikaw ang Ma’am/Sir” (SPIMS) noong nakaraang taon.

Sinabi nito na 846 dating OFWs ang sumailalim sa proseso para sa teaching position sa 749 paaralan sa buong bansa.

Ang SPIMS ay isang reintegration project ng DOLE at ng Department of Education, kasama ang Professional Regulation Commission, Commission on Higher Education, Technical Education Skills Development Authority, at Philippine Normal University.

Binibigyan ng SPIMS ng pagkakataon ang mga OFW na pumasa sa LET na makauwi ng Pilipinas at magtrabaho bilang guro.

END/Tim Laderas/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry