Nagpulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) at European Union (EU) para patuloy na mapalakas ang kanilang relasyon lalo na sa usapin sa paggawa.

Ginanap ang pagpupulong sa Maynila kung saan personal na ipinaabot ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, kasama ang kanyang DOLE Senior official, ang pasasalamat sa EU Delegation, na pinamumunuan ni H.E. Ambassador Franz Jessen, gayundin ang ambassadors ng mga bansang miyembro ng EU.

“Sa pamamagitan ng simpleng hapunan, pinalalakas natin ang ating ugnayan sa ating mga kaibigan mula sa European Delegation. Itinataguyod ng Labor Department ang pagkakaisa at ang pagpupunyagi na maiangat ang pamantayan sa paggawa dito sa Pilipinas at sa iba pang nasyon,” ani Bello.

Inanyayahan ng EU Delegation ang DOLE sa pagpupulong sa mga usapin tulad ng EU-Philippines relations; ang peace process kasama ang National Democratic Front (NDF), mga pagbabago sa Pilipinas na nakatuon sa mga polisiya sa paggawa; labor migration; at ang usapin sa batang-manggagawa.

Sinabi ni Bello na sa mga nakalipas na taon, patuloy ang DOLE sa pag-aaral at pagsasaayos ng mga polisiya sa paggawa upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawang Filipino. Tungkulin din ng DOLE na tiyakin na maayos ang kondisyon sa paggawa ng bawat Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, particular sa Europe.

Tinalakay din ng labor chief ang mga Gawain ng DOLE para mapigilan ang pagtatrabaho ng mga bata sa Pilipinas kung saan kanyang binanggit ang Department Order No. 14 na ipinalabas noong Pebrero 15, 2016 na nagtatakda ng pamantayan at pagsusuri sa mga delikadong trabaho para sa mga kabataang may edad 18 taon pababa.

“Nakasaad sa guideline ang iba’t ibang trabaho at gawain na idineklarang delikado para sa mga menor-de-edad sa ilalim ng industrial and occupational classifications. Ang aming layunin ay protektahan ang mga kabataang Filipino sa mga mapang-abusong gawain at pangalagaan ang kanilang karapatan at dignidad,” dagdag ni Bello.

Pinasalamatan at pinarangalan naman ni Jessen ang DOLE sa pagpupunyagi nito na ipatupad ang pantay na polisiya sa paggawa at sa pangangasiwa ng DOLE sa pangangalaga sa mga Filipinong nagtatrabaho sa mga bansa sa Europe.

Hinandugan ni Bello si Jessen ng isang inspirational book na may pamagat na “Ties That Bind” bilang pasasalamat sa patuloy na suporta at tulong na ibinibigay nito sa DOLE.

Ang EU Delegation sa Pilipinas ay opisyal na binuksan noong Mayo 15, 1991 na naglalayong palakasin ang relasyon sa pagitan ng EU at Pilipinas. Itinataguyod din nito ang relasyong ekonomiya at komersiyo sa pagpapatupad ng kasunduan. Sinusuportahan din ang gawain ng pamahalaan upang maibalik ang kapayapaan sa Mindanao.

END/Paul Ang/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry