Mas pinalakas pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hakbangin nito upang matulungan ang mga manggagawa sa informal sector na maging bahagi ng formal economy.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa ginanap na pagdiriwang ng Informal Sector Labor Day sa Cebu City, hindi tumitigil ang gobyerno upang mailipat ang mga manggagawa sa panibagong kondisyon ng trabaho sa pormal na ekonomiya.

“Ang mga manggagawa sa informal sector ay mahalaga sa komunidad dahil malaki ang kanilang naiaambag sa ekonomiya ng buong bansa. Hindi lamang aniya sila lubusang nasasakop ng mga polisiya sa paggawa tulad ng occupational safety and health, at social protection,” wika ni Bello.

Sa Pilipinas, malaking bahagi ng labor force ng bansa ang binubuo ng mga nasa informal sector na tinatayang aabot sa 15 milyong manggagawa na pawang mga self-employed at tinatawag na ‘unpaid family workers.’

Sa tulong ng batas upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, ang DOLE katuwang ang mga social partner ay patuloy na pinalalakas ang pagpapatupad ng mga tulong pangkabuhayan, pagbibigay ng trabaho, at maging ang pagbabalangkas ng mga hakbangin upang matugunan ang pinagmulan ng pagpasok ng mga manggagawa sa informal sector.

Katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), inilunsad ng DOLE ang inisyatibong tinatawag na ‘Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK)’ kung saan bahagi ito ng Blueprint para sa Decent Employment and Entrepreneurship for 2017-2022 at sa Livelihood Agenda 2017-2022.

Nilalayon ng inisyatibo na mabago ang anyo ng kabuhayan upang mas mapatibay ito bilang isang pormal na negosyo sa ilalim ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan na rin ng pagpapatupad ng GoNegosyo Law, MSME Development Plan, at ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) 2015 Action Agenda to Globalize MSME.

Ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang siyang nagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) upang maibsan ang pagkakalantad sa panganib ng mga kapus-palad, vulnerable, at marginalized na manggagawa.

Noong 2017, tinatayang nasa 103,386 manggagawa ang nabigyan ng livelihood assistance na kinapapalooban ng Starter Kit o Negosyo sa Kariton (Nego-Kart), Enterprise Development Program, Workers Income Augmentation, at Youth Entrepreneurship Support.

Naglabas na rin si Bello ng Department Order No. 173 o ang revised guidelines para sa implementasyon ng DILEEP.

Sa pamamagitan ng D.O., ang maximum per capital assistance na ibinibigay sa mga benepisyaryo ay itinaas mula P10,000 hanggang P20,000. Liban pa rito ang pagbibigay sa kanila ng mga sanitary tools at equipment para sa mga livelihood project at pagkakaroon ng micro-insurance ng mga benepisyaryo.

Ang Occupational Safety and Health Center (OSHC), ay isang attached agency ng DOLE, ay nagbibigay rin ng libreng OSH appreciation course upang mabigyang kaalaman ang mga manggagawa sa informal sector sa kaligtasan at proteksyon na siyang maglilinang ng kanilang pagiging produktibo sa trabaho.

Dagdag pa rito, upang matiyak na may kinatawan ang mga manggagawa sa informal sector sa mga ginaganap na dayalogo, ang Bureau of Labor Relations (BLR) ay naglabas na rin ng abiso na nag-aatas upang isaayos ang mga Regional Tripartite Industrial Peace Councils (RTIPCs) sa pamamagitan ng tamang representasyon mula sa informal sector.

Ang nasabing pagdiriwang ng Informal Sector Labor Day ay ginanap sa IEC3 Convention Center, Cebu City na may temang, “Manggagawa sa Impormal na Sektor: Pagkakaisa Tungo sa Patas at Makabuluhang Pagbabago”.

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
6