Pinaghahandaan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang napipintong pagsasara at pagsusupinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa 23 kompanya ng minahan na magiging sanhi ng kawalan ng trabaho sa mga manggagawa nito.

Pinulong ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga regional officials upang magbalangkas ng action plan at ihanda ang tulong na maaaring ibigay sa libong manggagawa sa minahan na maaaring mawawalan ng trabaho kapag ipinatupad na ng DENR ang kanilang desisyon.

“May libong manggagawa ang nagtatrabaho sa mga kompanya sa minahan. At nakahanda ang DOLE na magbigay ng tulong sa mga maaapektuhang manggagawa,” ani Bello.

Sa CARAGA region, ipinadala ng DOLE ang kanilang technical staff sa 14 na kompanya ng minahan na maaapektuhan ng kautusan upang magsagawa ng pag-aaral. Magsusumite ang mga apektadong kompanya ng kanilang transition/action plan at proposal sa DOLE provincial office.

Sinabi ni CARAGA Regional Director Evelyn R. Ramos na dapat paghandaan ang magiging epekto ng pagsasara at pagsususpinde ng operasyon sa mga minahan dahil sa magiging epekto nito sa negosyo at trabaho sa nasabing rehiyon.

Sinabi niya na tinitingnan na ng regional office ang lagay ng operasyon sa minahan at inaalam na rin ang bilang ng mga apektadong manggagawa para mabigyan ng DOLE ng kaukulang tulong.

Sinabi ni Ramos na mahalaga ang transition plan at iba pang impormasyon, matuloy man o hindi ang kautusan na pagsasara o pagsuspinde dahil sa nahaharap din ang sektor ng minahan sa tinatawag na off-season kung saan ang mga manggagawa ay mapipilitang magbakasyon at humanap ng alternatibong kabuhayan.

END/Paul Ang/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry