Nakatakdang pangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) at ng National Anti-Poverty Commission-Workers in the Informal Sector Council (NAPC-WISC) ang paggunita sa ika-anim na Workers in the Informal Economy Labor Day sa Mayo 6 sa SMX Convention Center, SM Lanang Premier, Davao City.

 

Nagpahayag ng suporta si Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa kampanya para sa pagpapalaganap ng kapakanan ng mga manggagawa sa impormal na sektor at binanggit ang importansya na matulungan sila na umangat mula sa impormal patungo sa pormal na ekonomiya.

 

Sa temang “Boses, Pagkilala at Pakikilahok sa Pamamahala Tungo sa Matatag na Negosyo at Kabuhayan,” sinabi ni BWSC Director Ahmma Charisma Satumba na ang aktibidad ay naglalayong mabigyang pansin ang kontribusyon sa ekonomiya ng mga manggagawa sa impormal na sektor.

 

Nilalayon rin nito na maipaliwanag sa mga lalahok ang lawak ng impormal na ekonomiya; bigyan sila ng kaalaman sa mga bagong adbokasiya at aktibidad na ginagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan; at tukuyin ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga manggagawa sa impormal na sektor sa lokal na antas.

 

Si Labor Secretary Bello, bilang kahalili ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang siyang maghahayag ng mensahe nito at susundan naman ng pagbibigay ng DOLE ng Kabuhayan at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa mga benepisyaryo.

 

Magkakaroon rin ng validation at consultation workshop na pangungunahan ng NAPC-WISC. Ang workshop ay naglalayong matukoy ang dahilan ng impormalidad sa mga economic units at sa mga manggagawa nito at matulungan sila na maresolba ang mga problemang ito.

 

Ipiprisinta naman ni Undersecretary Joel B. Maglunsod mga nagawang proyekto at plano ng DOLE upang maiangat ang kabuhayan ng mga manggagawa na mula sa impormal patungo sa pormal na ekonomiya.

 

Ayon kay BWSC Director Satumba, tinatayang 1,000 ang inaasahang lalahok sa 1-araw na aktibidad na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa DOLE, NAPC-WISC, DOLE-registered Rural Workers’ Associations, partner-agencies, local government units, at mga manggagawa sa impormal na ekonomiya tulad ng home-based workers, non-corporate construction workers, manininda, at maliliit na transport workers, at iba pa.

 

Alinsunod sa Proclamation No. 1215, ginugunita ng bansa ang Mayo 1 hanggang 7 bilang Linggo ng Paggawa kung saan ang ika-6 ng Mayo ay ipinagdiriwang naman para sa mga manggagawa sa impormal na sektor.

 

END/aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry